Advertisers
ISINAMPA nitong Biyernes sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong murder at serious illegal detention laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero noong kasagsagan ng online sabong ng grupo ng gambling tycoon.
Ang reklamo ay inihain ng mga pamilya ng mga nawawalang indibidwal at itinuturing na malaking hakbang sa matagal nang imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na serye ng pagkawala na yumanig sa bansa mula pa 2021.
Kabilang sa mga idinadawit ay mga personalidad na konektado umano sa PITMASTER operations, na ngayon ay inaakusahang nasa likod ng umano’y sabwatan para ikulong at ipapatay ang ilang sabungerong “nandaraya” sa laban.
Kasabay ng pagsasampa ng kaso ay ang pagkalat ng isang diumano’y “leaked” na listahan mula sa affidavit ni whistleblower Julie Patidongan alyas “Totoy.”
Tinukoy sa nasabing leaked document ang tinaguriang “Alpha Group” na sinasabing pinakamakapangyarihang grupo sa loob ng PITMASTER, na siyang nagpapasya sa mga pangunahing polisiya at sa kapalaran ng mga nawa-walang sabungero.
Kabilang sa mga nakapangalan sa listahan ay sina:
Charlie “Boss AA” Tiu Hay Sy Ang (Atong Ang), isang senador at 2 mayors mula Leyte at Quezon, isang Police LtGeneral ng PNP, dating NBI official, Eric Dela Rosa, Celso Salazar, G. Ramos, Lagon, Perez, Santos, Tose, Capinpin, Delos Santos at L. Lee.
Ayon sa dokumento, sistematikong pinagsamantalahan ng grupo ang mga mahihirap na sabungero, kinokolektahan ng milyon-milyong piso, at nang tumanggi o hindi makabayad ang ilan ay pinapapunta at pinapatay.
Dahil dito, umigting ang panawagan para sa mas masusing imbestigasyon sa lawak ng operasyon ng PITMASTER at ng sinasabing “Alpha Group.”
Wala pang opisyal na pahayag ang DOJ kaugnay sa nasabing listahan o kung kabilang ang lahat ng nakapangalan sa opisyal na reklamo.
Gayunpaman, inaasahang lalabas pa ang pangalan ng iba pang may kaugnayan sa kaso.
Patuloy ang pagtaas ng interes ng publiko sa isyung ito, at hinihiling ng marami ang mabilis at patas na aksyon upang makamit ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Sa patuloy na paglalantad ng mga detalye, tila malayo pa ang dulo ng kontrobersyang bumabalot sa PITMASTER.