Advertisers
TAMA sa kanyang talumpati si dating National Historial Commission of the Philippines chairperson Professor Emeritus Maria Serena I. Diokno na “marami ngayong honorables na walang honor”.
Partikular na pinatatamaan dito ni Diokno si Senate President Chiz Escudero, na ultimo “forthwith” daw ay isinisi pa sa mga pumanday ng ating Konstitusyon. Dapat daw ay nilinaw ng maigi o kaya’y sinabi nalang na “immediately”.
Sa tirada ni Prof. Diokno, sinisi niya si Escudero, nagtapos ng high school hanggang law sa UP, sa pagka-delay at posible na pagkabasurang tuluyan sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na isinampa noon pang Disyebre 2024 at dineklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional”.
Sa sinabing ito ni Diokno, bigla kong naalala ang yumaong alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim na ayaw na ayaw idugtong sa kanyang pangalan ang “honorable” dahil masyado na raw itong “nabababoy!”. Mismo!!!
Balikan natin ang birada ni Prof. Diokno: Ang impeachment daw ay trabaho ng kongreso, hindi ng Korte Suprema.
Maging sina retired SC Chief Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga gumawa ng ating Konstitusyon; at retired SC Associate Justice Antonio Carpio ay hindi sang-ayon sa ginawang pakikialam ng Korte Suprema sa impeachment case dahil co-equal anila ang dalawang branches na ito ng gobyerno. Mismo!
Sa kabilang banda, umapela ang apat na senador sa Korte Suprema na baligtarin ang naging desisyon nitong pagdeklarang “unconstitutional” ang impeachment laban sa bise president.
Abangan!
***
Pasikip nang pasikip ang mundo ng gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Oo! Mukhang dito na magwawakas ang paghahari ni Atong sa industriya ng sugal sa Pilipinas. Ang kanyang mga dating “hitmen” ay lumabas na at idinidiin siya sa pagkawala ng mga sabungerong “tsope” na nangyari mula 2021 hanggang 2022, kasagsagan ng online sabong ng grupo ni Atong.
Ang tatlong magkakapatid na Patidongan ang tumatayo ngayong state witness sa missing sabungeros, na ayon nga sa kanila ay si Atong, wala nang iba, ang nagpadukot at nagpapatay sa mahigit 100 sabungeros, na nandraya daw sa mga laban sa Pitmaster online sabong.
Ibinunyag din ng magkakapatid ang mga kasabwat ni Atong na kung tawagin nila ay “Alpha Group”. Kabilang dito ang isang senador, dalawang mayor mula Samar at Quezon, actress Gretchen Barretto, retired Police Lt. General Jonnel Estomo, mga sabungerong breeders na sina Eric dela Rosa, Sonny Lagon, “gambling lord” Edwin Tose, Arman Santos, Joey delos Santos, John Capinpin, Lorna Lee, Richard Perez, Gerardo Ramos dating NBI official at marami pa.
Nitong Biyernes ay sinampahan na ng mga kaanak ng missing sabungeros ng murder at serious illegal detention sina Atong.
Ito’y matapos ipahayag ng isang kapatid na Patidongan na nasaksihan n’ya mismo ang pagpatay sa 10 sabungeros, at siya mismo ang nagwidro ng pera sa ATM ng isang sabungero nang utusan siya ng mga pulis.
Sa mga rebelasyong ito ng mga testigo, wala nang lusot dito ang hari ng mga sugal sa bansa.
Sabi ng netizens: “Karma na yan!”