Advertisers
Arestado ang isang Korean YouTuber sa Pilipinas nang buntisin ang 13-anyos na Pilipina.
Nakilala ang dayuhan sa social media sa kaniyang volunteer work, kungsaan nangangalap ito ng donasyon para sa pagpapatayo ng mga ‘study room’ para sa mahihirap na bata sa bansa.
Umabot umano sa halos P450,000 ang nalikom niyang pondo mula sa mga Korean supporter.
Naaresto ang Koreano sa isang lungsod sa Hilagang Luzon noong Hulyo 11 at nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at sa Anti-Human Trafficking Act.
Ayon sa mga ulat, nagsimula ang imbestigasyon ng pulisya nang mapansin sa YouTube ng suspek ang madalas na paglabas ng mga menor de edad sa kaniyang mga video. Kalauna’y lumabas na nanganak kamakailan ang 13-anyos na batang babae, at ang suspek umano ang ama ng bata.
Sa panayam sa isa sa mga pumupunta sa naturang ‘study room,’ sinabi nitong madalas na magkasama ang YouTuber at ang menor de edad. May mga alegasyon din na pinanonood umano sila ng mga malaswang video na pinapagaya sa mga ito.
Umani ng galit ang insidente mula sa publiko, na nanawagang huwag hayaang makalaya ang dayuhan.