Advertisers
Mariing tinutulan ni Las Pinas Representative Mark Anthony Santos ang planong pagtatayo ng Casino sa Lungsod na umano’y inisyatibo ng Villar Family.
Binalaan ni Santos na ang paglalagay ng casino sa Las Piñas ay magdudulot ng pangmatagalang panganib sa lipunan at ekonomiya na posibleng mas malaki pa kaysa sa anumang pangakong kita o trabaho na idudulot nito.
“Kilala ang ating lungsod bilang isang tahimik at family-oriented na komunidad. Ang pagpapahintulot sa operasyon ng casino ay maglalantad sa ating mga residente, lalo na ang kabataan, sa mga problema sa sugal, pagkakautang, at posibleng krimen,” ani Santos.
Noong Hulyo ng nakaraang taon, inihayag ni negosyanteng si Manny Villar na itatayo ang una sa dalawang nakaplanong casino sa muling binuong 18,000-square-meter Vista Mall Global South sa kahabaan ng C5 Extension sa Las Piñas.
Kabilang ang pamilya Villar sa iilang nakakuha ng gaming license mula sa PAGCOR bago ipataw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa mga bagong aplikasyon ng casino noong 2018.
Binigyang-diin ng bagitong mambabatas na dapat unahin sa pagpapaunlad ng lokalidad ang sustainable, inclusive, at morally responsible investments na mag-aangat sa komunidad nang hindi isinasakripisyo ang mga pinahahalagahan nito.
“Hindi dapat isinusugal ang kapakanan ng ating mamamayan kapalit ng tinatawag na pag-unlad. Marami pang mas maayos na paraan para makakuha ng pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at makalikom ng kita nang hindi umaasa sa operasyon ng sugal,” dagdag niya.
Binanggit ni Santos na mayroon nang apat na integrated resorts sa kalapit na Parañaque City sa loob ng PAGCOR Entertainment City—ang Solaire ni Enrique Razon, City of Dreams Manila ng Belle Corp., Okada Manila, at Westside City ni Andrew Tan.
Ibinahagi rin niya ang mga pag-aaral na nagpapakita na ang mga casino ay kadalasang nagdudulot ng pagtaas ng bilang ng problemang kaugnay ng sugal, pagkasira ng pamilya, at mas mataas na insidente ng krimen sa mga karatig-lugar.
“Ang Lungsod ng Las Piñas ay hindi pugad ng sugal. Tulad ng sinabi ng yumaong Mayor Vergel ‘Nene’ Aguilar, ‘But most of all, we want to continue being the place our people proudly call Our Home,’” ani Santos.
Nangako si Santos na makikipagtulungan sa mga lider-komunidad, faith-based groups, at mga concerned citizens upang tutulan ang proyekto at hikayatin ang mga lokal na awtoridad na huwag magbigay ng anumang permit o pahintulot para sa casino. (Cesar Barquilla)