Advertisers
KASAMA tayo sa bumabati kay Undersecretary Janella Estrada, National Authority for Child Care (NACC), ang panganay at magandang anak ni Sen. Jinggoy Estrada, matapos kilalanin ng Inter-Agency Council Against Trafficking (ICAT) nitong Hulyo 30.
Ginawaran si Usec. Janella ng ‘Break All Chains Public Service Champion Award’ dahil sa kanyang “katangi-tanging pagsisikap” (exceptional effort) upang labanan ang ‘human trafficking’ na ang karamihan sa mga biktima ay mga bata at kababaihan.
Natutuwa tayo na sinusundan niya ang landas ng serbisyo publiko na naging “tatak” ng kanyang angkan dahil na rin sa pundasyon na inilatag ni Pang. Erap, ang “Ama ng Masang Pilipino.”
Kasama sa responsibilidad ng NACC ay tiyakin na ligtas at dumaan sa tamang proseso ang “pag-aampon” (adoption) para na rin sa kapakanan ng mga bata.
Pero, dapat ba talagang gawing mahirap ang proseso o may iba pang dahilan?
Sa kuwento sa atin, halos dalawang taon na palang “nakatengga” sa DSWD at NACC ang adoption ng isang bata na gustong kilalaning anak ng isang Pinoy engineer na ‘citizen’ na ngayon sa Ireland. Ang bata ay anak ng kanyang ‘legal wife’ na matapos umanong “maanakan” ay iniwan na ng damuho na minalas niyang mahalin dahil takot sa responsibilidad.
Pero dahil mahal nila ang bawat isa, nagdesisyon ang Pinoy engineer na kilalanin bilang anak ang bata na higit 2-taon na ngayon, para na rin matiyak ang maganda niyang kinabukasan sa bansang Ireland.
Nagtataka naman ang “mag-asawa” na kahit naisumite na nila ang lahat ng hinihinging rekisitos ng DSWD at NACC—umuwi pa ‘yung engineer para sa interview—hindi na umusad ang proseso, sa nakaraang dalawang taon, ahahay!
Ayaw naman nating isipin na kaya may ‘inordinate delay’ ay may iba pang “hinihintay” ang mga tauhan ng DSWD at NACC?
Oops! Engineer at matalino ang tatay na Pinoy din kaya “matalas ang pakiramdam,” hehehe!
Harinawa namang hindi na umabot pa ng kolehiyo ang bata bago pa mapaboran ang nasabing adoption, tama ba, Usec. Janella?
Abangan!