Advertisers
Mukhang hindi natatapos mga Ka Usapang HAUZ ang kontrobersiya sa C5 Road Extension sa Las Piñas, alam po ba ninyo kung bakit? Basa.
Ngayon mga Ka Usapang HAUZ, nadagdagan pa ng bagong isyu, ang umano’y konstruksyon ng isang casino hub na, ayon kay Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos, ay walang kaukulang permit mula sa city hall, gaano kaya ito katutuo?
Sa isang liham kay acting City Engineer Mike Aguilar, diretsahang hiniling ni Santos ang agarang inspeksiyon sa nasabing proyekto.
May mga nagsusumbong daw sa kanya na patuloy ang trabaho sa loob ng 18,000-square-meter Vista Mall Global South, kung saan nakaplano raw ang hindi isa, kundi dalawang casino. Kung totoo ito at walang permit, malinaw na paglabag ito sa Building Code at iba pang batas.
Hindi ito ang unang beses na nagbabala si Santos laban sa mga casino sa Las Piñas. Noon pa man, sinasabi na niyang ang ganitong uri ng proyekto ay may pangmatagalang epekto sa lipunan at ekonomiya—at madalas, mas mabigat ang negatibo kaysa sa sinasabing benepisyo.
Ito pa mga Ka Usapang HAUZ at para sa kaalaman ng lahat, noong Hulyo ng nakaraang taon, inihayag ni Manny Villar ang plano para sa dalawang casino sa muling binuong Vista Mall Global South.
Kasama rito ang $1 bilyong puhunan (kabilang ang halaga ng lupa) sa ilalim ng lisensyang gaming mula sa PAGCOR—lisensyang nakuha bago ang moratorium ni dating Pangulong Duterte sa mga bagong casino application noong 2018.
Target daw matapos ang unang yugto, na may kasamang hotel, pagsapit ng Hulyo 2025. Pero ayon sa mga impormante ni Santos, umatras na raw ang ilang foreign investors na dapat katuwang sa proyekto.
Kaya malinaw ang tanong ni Santos: May permit ba talaga ang kumpanyang ito? Building permit? Sanitary? Electrical? Barangay at zoning clearance? Pati homeowner’s association clearance? Kung wala, bakit tuloy-tuloy ang trabaho?
Sabi nga niya, “Hindi dapat isinusugal ang kapakanan ng ating mamamayan kapalit ng tinatawag na pag-unlad.” May punto siya. Hindi lahat ng investment ay dapat tanggapin, lalo na kung taliwas sa pagkakakilanlan at interes ng komunidad.
At tama rin ang obserbasyon niya, Sa kalapit na Parañaque, mayroon nang apat na integrated resorts—Solaire, City of Dreams, Okada Manila, at Westside City. Kailangan pa ba talagang magdagdag ng isa sa Las Piñas?
Sa dulo, malinaw ang paninindigan ni Santos: “Hindi natin hahayaang maging gambling hub ang ating lungsod. Ang laban na ito ay para sa ating mga pamilya, mga anak, at kinabukasan ng ating komunidad.”
Sa ganitong usapin, hindi lang ito simpleng tanong ng permit—tanong din ito ng direksyon. Anong klaseng lungsod ba ang gusto nating maging ang Las Piñas?
***
Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag text sa 09352916036