Advertisers
ISANG gambling operator ang nagpatayo ng sugalan na may shabuhan sa tabi lamang ng Our Lady of Pillar Parish Church, sa Poblacion sa bayan ng Alaminos, Laguna.
Umalma ang mga relihiyosong mamamayan ng Alaminos dahil sa kalapastanganan ng gambling operator na kilala sa alyas na Ka Mundo at humingi ng tulong sa SIKRETA upang maiparating kay Laguna Governor Sol Aragones ang kabalbalang pinaggagawa sa kanilang parokya ng naturang gambling operator.
Walang aksyon laban sa naturang gambling operator ang lokal na pulisya. Nasa tapat mismo ng Alaminos Municipal Hall kung saan nag-oopisina si Mayor Eric “Bolado” R. Reyes kaya nakapagtatakang walang alam ang alkalde sa talamak na operasyon ng mga ilegal na sugal tulad ng color games, beto-beto, cara y cruz (Tao-Ibon), drop balls at iba pang card at table games.
Maaga pa lamang ay sangkaterba na ang mga sugarol na nag-aabang sa pagbubukas ng mga pasugalan ni Ka Mundo. Ang iba naman ay nag-iintay ng pagdating ng mga nagbebenta ng shabu na mga drug pusher na karaniwan ay doon nagtatambay.
Katwiran ni alyas Ka Mundo ay may permit to operate na iniisyu sa kanya ang tanggapan ng Alaminos Government kaya walang maaring pumigil upang siya ay maglagay ng mga pasugalan sa kanyang tradisyunal na peryahan.
Ayon sa reklamo, kung totoo man na may iniisyung permit kay alyas Ka Mundo ang kanilang municipal mayor ay upang maglagay lamang ng mga palaro at entertainment sa kanyang peryahan at hindi upang magpasugal.
Reklamo pa ng mga magulang ng apektadong mga kabataan ay makabubuting ipagiba na ni Mayor Reyes ang mga kubol at istrukturang nailatag ni Ka Mundo sa kanyang peryahan pagkat hindi lamang sugal kundi sinasamantala din ng mga shabu pusher ang pagbebenta sa kanilang mga suking drug addict.
Anila, naniniwala sila na hindi pahihintulutan ni Governor Aragones na malulong ang maraming mga residente ng Alaminos lalo na ang mga kabataan at estudyante dahil lamang sa pagbbibigay sa kapritso sa ilang kagawad ng kapulisan at lokal na opisyales na “katuktukang kwago” ni alyas Ka Mundo.
Dagdag ng mga nagrereklamo na bilang INA ng lalawigan ay may karapatan ang gobernadora na ipag-utos kay Laguna Provincial Director Col. Junar Yupio na lansagin ang mga pasugalan ni Ka Mundo pagkat hindi lamang ito “eye sore” sa simbahan at sa Alaminos Municipal Hall kundi nakapagpapababa pa ng moralidad ng mga mamamayan.
Totoong relihiyoso ang mga taga Alaminos ngunit nababalahura lamang ng mga ganid sa salapi at tusong gambling con drug operator na si alyas Ka Mundo at ng mga protektor nito na ilang tiwaling pulis at government official. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144