Advertisers

Advertisers

KRIMEN NI TRICKY TSIS

0 41

Advertisers

NAKAKAGULAT ang mga nagkasangang-sangang ulat tungkol sa iskandalo ng programang flood control ng gobyerno. Ayon sa isang ulat, tumanggap si Tricky Tsis ng P30 milyon na ambag, o kontribusyon, ng isang hindi sikat ngunit malaking kontratista ng flood control project sa bansa, lalo na sa lalawigan ng Sorsogon, ang probinsya ni Tricky Tsis.

Galing ang ambag na P30-M kay Lawrence R. Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc., isa sa 15 malaking construction firm na sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol ng baha sa bansa. Kinakatawan ng ambag ni Lubiano ang 20% ng P146.5 milyon na kontribusyon na natanggap ni Tricky Tsis noong halalan ng 2022.

Kagyat na inamin ni Lubiano na nagbigay siya ng P30-M na ambag sa kampanya ni Tricky Tsis. Inamin rin ni Tricky Tsis ang kontribusyon ni Lubiano sa isang hiwalay na pahayag isang pulong balitaan. Hindi niya pinasubalian ito sapagkat nakatala ang malaking kontribusyon sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na isinumite sa Commission on Elections ( Comelec).

Ayon sa ulat, nakabingwit ang construction firm ni Lubiano ng mga kontrata sa flood control project na abot sa kabuuang P5.15 bilyon mula 2021-2024. Noong 2021, mayroon lang limang flood control project ang Centerways, ayon sa mga ulat. Biglang lumaki nang dumami ng halos siyam na ibayo. Abot sa 44 kontrata ang napagwagian nito noong 2022.

Galing kay BBM ang karamihan ng datos. Mismong si BBM ang na nagbulgar ng iskandalo sa programang flood control ng gobyerno. Hindi mahirap ipaliwanag ang nangyari. Kaibigan umano ng Pangulo si Tricky Tsis, ngunit itinulak ng una ang huli sa bangin. Ipahamak ni BBM ang oportunistang kaibigan umano.

Teka nga pala. May isang pantas ang nagsabi ng pagdating sa larangan ng pulitika, walang kaibi-kaibigan, walang kumpa-kumpare. Ligtasan ng sariling balat iyon. Hindi si Erap ang nagsabi niyan dahil hindi pantas si Erap. Manginginom lang.

Ayon kay BBM, abot sa P545 bilyon ang mga kontrata sa proyektong flood control ng gobyerno. Abot sa 20% ng halaga ang napunta sa 15 construction firm na sangkot sa mga anomalya. Pumalpak sila dahil may mga pagkakataon na pinalitan ng substandard material ang mga specification sa proyekto. Malinaw ang kupitan. May mga pagkakataon na hindi ginawa ang proyekto. Naging ghost project, sa maikli.

Naging anomalya dahil nagsabwatan ang mga korap na kontratista, korap na mga opisyales ng DPWH, at hindi nalalayong mga korap na mambabatas na nagtataguyod sa mga maanomalyang flood control project. Hindi nalalayo ang CoA at kahit na ang DBM. Isang malaking sabwatan ang kanilang ginawa laban sa sambayanang Filipino.

Tulad ng inaasahan, naghugas ng kamay si Tricky Tsis. Inamin niya na nag-ambag si Lubiano ng malaking halaga, ngunit ipinagdiinan niya na hindi siya sangkot pagkilala, paggawa ng program of work, pag-bid, pagbibigay ng award, at inspeksyon ng mga proyekto na napunta sa kumpanya ni Lubiano. Ngunit hindi niya sinabi kung ginamit niya ang kanyang impluwensya sa paggawa ng batas, lalo na ang taunang budget upang mapunta ang mga proyekto ni Lubiano.

May palusot si Lubiano. “Personal contribution” ang tawag niya sa ibinigay niyang P30-M kay Tricky Tsis. Sa maiki, hindi galing ang halaga sa Centerways. Hindi maalis sa aming kaibigan na manunulat na si Roly Eclevia na tawagin niyang “bahagi ng pandarambong ang P30-M.” Hindi biro na sabihin ni Roly na ito ang “parte” ni Tricky Tsis sa mga ninakaw nila.

Gayunpaman, labag sa batas, ayon kay George Garcia, Comelec chair, ang ambag ng P30-M ni Lubiano at pagtanggap ni Tricky Tsis sa ambag. Malinaw ang sabwatan, aniya. May conflict of interest umano sa kontribusyon dahil galing sa kontratits ng mga proyektong gobyerno ang ibigay a halaga sa pulitiko. Mahigpit na ipinagbabawal ng Omnibus Election Code ang anumang kontribusyon ng ganitong uri, ani Garcia.

Hindi natuwa si Kin. Terry Ridon, hepe ng Committee on Public Accounts at isa sa tatlong hepe ng Tri-Com, sa kumpisal ni Lubiano sa unang pagdinig ng TriCom noong Martes. Bukod kay Tricky Tsis, ikinumpisal ni Lubiano na may mga kamag-anak siya sa mga LGU ng Sorsogon. May conflict of interest talaga, ani Ridon.

Hindi kapani-paniwala na personal contribution ang P30-M na ambag ni Lubiano sa kampanya ni Tricky Tsis. Sinabi ni Ridon ang tanong ay kung saan nanggaling ang P30-M na bigay ni Lubiano kundi sa kumpanya niya. Abangan ang susunod na kabanata.

***

NAKAKAGULAT ang pag-amin ni Alfonso Tengco, presidente at CEO ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), na halos 60% ng kita ng Pagcor taon-taon ay galing sa online gambling (hindi gaming iyan, kundi sugal). Kaya matindi ang pagtutol ni Alfonso Tengco na tuluyang na ipagbawal ang online gambling dahil kumikita ang Pagcor sa kanila. Lampas P50 bilyon umano ang kita. Bahagi ito ng GDP ng bansa.

Gayunpaman, mas makatwiran na ipataw ang total ban sa online gambling. Maraming pamilya ang nasisira dito. Bukod diyan, hindi rin kaya ni Alfonso Tengco na kontrolin ang mga dambuhalang online firm na nagsasamantala sa manunugal. Mayroon na bang pinarusahan si Alfonso Tengco na online firm na hindi nagbigay ng panalo ng mga mananaya? Wala. Bokya. Nada, zilch, zero.