Advertisers

Advertisers

BAGUHIN O IBASURA NA ANG PCAB LAW – SEN. ERWIN TULFO

0 14

Advertisers

INIHAYAG ni Senador Erwin Tulfo na nakatakda siyang maghain sa Lunes, Setyembre 8, ng resolusyon sa Senado upang suriin at rebisahin ang RA 4566 at pag-aralan kung dapat bang amyendahan ang batas—lalo na ang requirement na contractor ang dapat nasa board ng PCAB—o tuluyan nang ibasura ang naturang licensing agency.

Hindi umano makapaniwala si Tulfo, Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairperson, na para maging bahagi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), kailangan maging isang contractor daw muna.

Ayon kay Sen. Tulfo, “nakasaad kasi sa RA 4566 o ang ‘Contractors’ License Law,’ kung saan nakapaloob ang Philippine Contractors Accreditation Board, na kailangan contractor ang mga uupo sa board ng PCAB.”

“Papaano nila babantayan, pangangasiwaan, o ire-regulate ang mga konstruksyon ng proyekto sa bansa kung maayos at hindi substandard o kaya’y ghost project, kung sila mismo ang mga contractor nito?” tanong ni Tulfo. Aniya, “malinaw na there is conflict of interest here!”

“Hindi ko maisip kung bakit naipasa ang batas na ito gayong self-serving ang ilang probisyon nito tulad ng qualifications upang maging bahagi ng Board of Directors,” anang Senador.

Dalawa sa Board of Directors ng PCAB, sina Engr. Erni Baggao at Engr. Arthur Escalante ay nakakuha ng malalaking government projects.

Si Baggao ay nakakuha ng P2.2 bilyong halaga ng flood control projects sa pamamagitan ng EGB Construction Corporation, isa sa top 15 contractors na binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr..

Samantalang si Escalante naman ay nagmamay-ari ng AN Escalante Construction Inc. na nakasungkit din ng mga government projects.

Ang Chairman naman nito na sinibak na sa pwesto, si Engr. Pericles Dakay, ay isang contractor din.

Bagama’t sinasabi ni Dakay na wala siyang nakuha government project, kwestyonable pa rin ang kanyang naging liderato kung saan nakalusot ang mga contractors na dapat ay blacklisted na dahil sa substandard at ghost projects.

Pagdidiin ni Tulfo: panahon nang baguhin o tuluyang buwagin ang PCAB law—dahil imbes na maging proteksyon ito laban sa katiwalian, lumalabas na ito pa ang susi para sa mga korapsyon. (JERRY S. TAN)