Advertisers
HANGGANG ngayon ay di pa natatapos ang kontrobersiya sa muling pagkatalaga kay Brigadier General Paul Kenneth Lucas bilang PNP Region 4A Director pagkat wala namang itong napatunayan na “accomplishments” sa panahon ng kanyang panunungkulan at patuloy pa ding naghahari ang protection racket o kolektong activity ng isang alyas Sgt. Adlawan.
Posible kayang hanggang ngayon ay di pa rin alam ng butihing heneral na gamit na gamit ni alyas Sgt. Adlawan ang pangalan ng tanggapan ng PNP Region 4A sa pagkakakitaan?
Nagtataka ang ating mga KASIKERTA kung papaanong nakalusot o baka naman sadyang pinalulusot ang mga kabulastugan ng kung tagurian ay sarado- Duterte na si alyas Sgt. Adlawan.
Dahil sa milyones na ang kinita at kikitain pa bilang tong kolektor, ay tiyak na lalo pang madadagdagan ang dati ay mahigit sa 1500 na mga imported na pang derby na sasabunging manok nitong si alyas Sgt. Adlawan na naipundar nito sa pagiging police tong collector.
Malamang na lalo namang kamumuhian ng mga taga Santo Tomas City, Batangas itong si alyas Sgt. Adlawan dahil sa perwisyong dulot ng ingay ng pagtilaok ng kanyang mga sasabunging manok na nasa isang subdivision sa naturang siyudad kung saan ay nakapagpatayo ito ng isang di-lisensyadong gamefowl farm?
Akalain nga naman, na isang nasibak na pulis probinsya at estranghero ay naging milyonaryo mula sa salaping naging kabahagi nito mula sa salaping kanilang “pinasusuka” sa mga ilegalista? Sadyang nakakabilib talaga ang kapalaran nitong si alyas Sgt. Adlawan na ang gamit ay lakas ng loob at kapalmuks sa ilegal na pinagkakakitaan!
Asahang lalo pang titindi ngayon ang hataw sa ilegalista nitong si alyas Sgt. Adlawan lalo pa’t nakapagbuo na ito ng grupo ng kapwa niya mga “kapustahan” o police tong collector na kinabibilangan ng kanyang mga “kumpareng putik” na sina Jamal, Amboy, Marvin at isang alyas Sgt. Sandoval. Ang apat ay ginagamit ni alyas Sgt. Adlawan bilang mga tong kolektor sa mga operator ng sakla, oil at petroleum smuggling, pilferage o paihi/ buriki.
Upang maging magaan ang kanyang pagkita ay ang pangongotong na lamang ni alyas Sgt. Adlawan sa mga kunwari ay maintainner ng tradisyunal na perya operator o pergalan (peryahan na pulos sugalan) na nag-ooperate din ng sangkaterbang madadayang pasugal na color games, beto-beto, drop balls, sakla at mga sugal lupa sa CALABARZON area.
Mistulang nagsulputang kabute ang mga nakalatag na kunwari ay peryahan na sa totoo ay sugalang prente ng bentahan ng shabu tulad ng nasa kalapit ng Darasa barangay hall sa Tanauan City at Brgy. Sambat sa bayan ng Padre Garcia na pinapatakbo ng drug pusher na si alyas Rommel.
Mayroon ding peryahan cum sugalan na may shabuhan ang lady drug pusher na si alyas Glenda sa Brgy. Banaba sa bayan din ni Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera; si Ka Mundo sa Brgy. Bayanan sa munisipalidad ni San Pascual Mayor Joanna Conti; si Rhodalyn sa Poblacion ng bayan ng Taysan; isang alyas Sherly sa Brgy. Sambat sa bayan ng Bauan at maraming iba pa.
Suhestiyon ng SIKRETA kay Taysan Mayor Brigido Villena ay huwag nitong hayaang malulong ang kanyang mga nasasakupan sa pagsusugal at paggamit ng shabu na inilalako ni Rhodalyn sa pinatatakbo nitong pergalan.
Ipinaabot din ng mga taga bayan ng Bauan ang kanilang reklamo laban sa operasyon ng maraming peryahan cum sugalan na may shabuhan sa naturang munisplaidad ngunit tila pipi, bulag at bingi sina Bauan Police Chief LtCol. Carlito Valdez at Mayor Wendah Katrina Dolor.
Ang mga markadong kuta ng buriki/paihi na hindi pa napapaaksyunan at kinokolektahan ng protection o weekly intelhensya ng mga dabarkads ni alyas Sgt. Adlawan na sina Jamal, Amboy, Marvin at alyas Sgt. Sandoval ay ang paihi nina alyas Balita sa compound ng beach resort sa Brgy. Simlong, Batangas City; sa Brgy. San Felipe ni alyas RR at Brgy. Bawi ni alyas Flores, parehong sa bayan ng Padre Garcia; paihi/buriki nina alyas Amang, Aldo at sindikatong Violago sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite. Ang Violago group ay siya ding operator ng oil and petro smuggling at pilferage sa Mariveles, Bataan, Bulacan at iba pang probinsya sa Region 3.
Sa Brgy. San Isidro bayan ng Candelaria, Quezon ay may paihi/buriki din sina alyas Lito Buriki at Engineer; sa Brgy. San Luis sa bayan ng Guinyangan ay may paihian din ang mag partner na alyas Sammy at Alfred; sa Calamba City at Cabuyao City ay may mga kuta din ng paihi/buriki ang magkapatid na Ador na mula noong unang nanungkulan si Gen. Lucas at magpahanggang ngayon ay nananatiling untouchable.
Kulang ang buong pahina ng ating pahayagan kung iisa-isahin natin ang mga “pinapatungan” at pinagkikitaan ng milyones na kolektong nina alyas Sgt. Adlawan, Jamal, Amboy, Marvin at alyas Sgt. Sandoval.
Ngayon higit na dapat patunayan ni BGen. Lucas na hindi nagkamali ang liderato ng PNP na muli siyang ibalik upang pamunuan ang kapulisan ng naturang rehiyon sa pamamagitan ng pagpuksa sa grupo ni alyas Sgt. Adlawan. Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144