Advertisers
PINANGALANAN na ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya ang ilang kongresista at mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na lumapit sa kanila para humingi ng porsyento sa flood control projects sa bansa.
Ito ang isiniwalat ng mag-asawang Discaya sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kasabay ng pahayag ng pagpapasailaim bilang state witnesses.
“Paulit-ulit kaming ginamit ng mga nasa pwesto sa sistemang ito, wala kaming magawa dahil kung hindi kami makikisama, gagawan nila ng problema ang project na na-award sa amin sa pagitan ng mutual termination o pagkakaroon ng right of way problem na parehong nagdudulot ng hindi matuloy ang implementasyon ng mga proyekto,” pahayag ni Curlee sa kanyang testimonya.
“Matapos naming manalo sa mga bidding, may mga opisyal mula sa DPWH ang lumalapit sa amin para humingi at kumuha ng bahagi niya sa halaga ng proyekto. Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa sampung porsyento at umaabot pa ng 25% na naging kondisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng programa,” diin niya.
Kabilang sa mga kongresista na pinangalanan sina: Pasig City Representative Roman Romulo, Uswag Ilonggo Partylist Rep. Jojo Ang, Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas, Quezon City Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde, Agap Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, Marikina Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro, San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes, Romblon Rep. Leandro Jesus “Budoy” Madrona, Rep. Benjamin “Benjie” Agarao, Jr., An-waray Partylist Rep. Florencio Gabriel “Bem” Noel, Occidental Mindoro Rep. Leody “Ode” Tarriela, Quezon City Rep. Reynante “Reynan” Arogancia, Quezon City Rep. Marvin Rillo, Aklan Rep. Teodorico “Teodoro” Haresco, Zamboanga Sibugay Rep. Antonieta Yudela, Caloocan City Rep. Dean Asistio, at Quezon City Rep. Marivic Co Pillar.
Binanggit din si dating Office of the Presidential Assistant for the Visayas of the Philippines Undersecretary Terrence Calatrava.
Sinabi ni Curlee Discaya na humiling din ang mga tauhan ng ilang pulitiko na makipagkita sa kanila para humingi ng porsyento kapalit ng mga proyektong iginawad sa kanila.
Samantala, ang mga opisyal ng DPWH na sinasabing sangkot ay sina: Regional Director Virgilio Eduarte ng DPWH Region V, Director Ramon Arriola III ng Unified Project Management Offices, District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District, Undersecretary Robert Bernardo, District Engineer Aristotle Ramos ng DPWH Metro Manila 1st District, District Engineer Edgardo Pingol ng DPWH Bulacan Sub-Deo ,at District Engineer Michael Rosaria ng DPWH Quezon 2nd DEO.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” diin Curlee.
“Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit na kaibigan,” patuloy ni Curlee.
Sa kanilang testimonya, humingi ang mag-asawang Discaya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta ng tulong para sa proteksyon at seguridad para sa kanilang pamilya.
Ayon naman kay Sarah, nauna nang nag-alok ang mga district engineer at regional director ng DPWH at chiefs-of-staff ng mga mambabatas ng mga proyektong sinasabing pinondohan ng mga kongresista nang magsimulang manalo ang kanilang mga kumpanya sa mga bidding ng gobyerno. (Mylene Alfonso)