Advertisers
INULIT ko lang itong sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State-of-the-Nation (SONA) nitong nakaraang July.
Bilang isang mamamayang Filipino, talaga naman galit na galit ako sa ginawang paglapastangan sa kaban ng bayan. ‘Wag na nating tignin kung sino sa kanila ang may kasalanan, basta lahat ng pangalang lumutang na sangkot sa anomalya ng flood control projects, sila na ‘yun!
Oo kailangan ang due process, pero anak ng kabayong puti, malinaw pa sa sikat ng araw ang pambababoy sa pondo ng bayan ng mga loko at ganid na senador, kongresista, opisyal ng DPWH at kontratista.
HIndi nila inisip ang kabutihan nararapat nilang ipagkaloob para sa taumbayan, bagkos, inuna ang sariling pakinabang.
Naalala ko tuloy ang birthday wish ni Ms. Kara David sa kanyang karawan, “Mamatay na sana lahat ang korap.”
Nag-aanyong mga “santo’t santita” kapag panahon ng eleksyon. Tumatamis ang dila na parang may asukal sa bibig kapag lumalapit sa mga botante, nangangakong ibibigay ang araw at bituin maluklok lamang sa upuan ng kapangyarihan.
Nakakain naman ng ampalaya matapos makuha ang upuan ng kapangyarihan. “Tabla-tabla muna tayo, kailangan kong makabawi sa mga ginastos!”
Kupalan na ang labanan!
Ngayong pumutok ang kanilang kasakiman sa salapi, matigas pa rin ang paninindigang wala silang kasalanan bakit sila pinagbintangan sa anomalya ng korapsyon.
Hindi lang makapal ang pagmu-mukha kundi maitim pa ang budhi! Ganyan ang kanilang pagkatao! Walang kinikilala kundi ang salapi at kapangyarihan!
Isang law abiding citizen ang nagpakita ng kanyang galit sa FaceBook.
“Ako at ang aking pamilya ay nakiki-isa sa pagkondina sa malawakan at walang habas na pagnanakaw sa kaban ng bayan at mga taong ganid at hangad lamang ang kapangyarihan upang mas lalong dumami ang SALAPI!!!”
“Ako’y sampalataya na may hustisya sa ating bansa at mapapanagot ang mga taong nasa likod nito – mula ibaba hanggang sa taas na may mga tungkulin sa gobyerno pati mga kasabwat na POLITIKO!!!”
“Patuloy tayong magmatyag at mag-ingat hangga’t hindi natatapos at mabibigyan ng hustisya ang mga pinaggagawa ng mga sakim at mga TUMARANTADO sa bayan nating PILIPINAS…patuloy ang LABAN!!!”
PS… Ang aming dasal ay sa mapayapa at legal na pagkilos… hindi ang mga naging kaganapang gulo sa walang magandang maidudulot- kung ganyan din lang ang inyong kilos ay wala din kayong pinag-iba sa mga tarantadong CORUPT!!!”
Eto pa ang isang komento galing sa aking longtime friend mula sa US of A.
“Hindi maalis sa isip ko iyong hearing kahapon sa Senado. Parang tele-serye. Iyong pinuno ng sindikato na nasa katauhan ng mga proponent, halimbawa, sina Zaldy Co, Jinggoy Estrada, Ramon Revilla (nagulat ba kayo?), at Joel Villanueva kahit wala pang approved na budget para sa susunod na taon, may nakalaan na para sa kanila. Umaabot ito ng hanggang 30 porsiyento. Hndi malinaw kung kasama sa mga proponent sina Martin Romualdez pero dahil isa siya sa pinakaunang nabanggit ng mga witness at dahil siya ang lider ng Kamara, malamang sa hindi siya iyong kung tawagin natin sa pelikula ay “Ninong” na madalas pinapapelan ng mga yumaong magagaling na aktor na sina Eddie Garcia at Vic Diaz. Paumanhin sa mga GenZ na hindi nakakakilala sa kanila. Hindi rin nabanggit sa hearing na ito si Arjo Atayde, pero isama na rin natin kasi nabanggit na rin naman siya dati at napakaraming unexplained wealth na hindi kayang ipaliwanag ng SALN. Siya iyong dakilang alalay ng Ninong na madalas gampanan nina Paquito Diaz or Rez Cortez.
May kategorya ang porsiyentuhan nila. Pag flood control project, tumataginting na 30 prsiyento. Nagmula ito sa 20% hanggang umakyat sa 30%. Pag ibang proyekto na walang kinalaman sa flood control, may awa naman sila, nanatili ito sa 25%.
Pumunta tayo sa mga supporting actors, na nagtatago sa pangalang, DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Former DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, dating district engineer sa Bulacan. Si Bernardo diumano ang nag-uutos ng mga insertions sa mga proyekto sa Bulacan. Kaya, itong si Alcantara na boss ni Bryce, napipilitan “daw” na maghanap ng budget para ma-accodmodate ang utos ng Ninong at ng boss nila. Iyong mga alalay na katulad nina Alcantara at Brice at iba pang DPWH officials, umaabot hanggang 8.5 porsiyento ng pondo para sa flood control ang nakukuha. Iyong mga contractor na mahilig sa payong na may rolls royce, mag-asawang Curlee at Sarah Dismaya at iba pang contractors, 3-4 porsiyento lang nakukuha nila. Kaya minsan, “abonado”pa sila minsan.
Para ma-accomodate ang ganitong kapritso ng mga magnanakaw, kailangang humanap ng paraan ang mga DPWH officials ng kung saan puwedeng mag-insert. Sa kaso naman ng mga Discaya at iba pang contractor, “napipilitan” silang gumamit ng mga materyales na hindi naaayon sa standard ng proyektong ginagawa nila. Iyon yung mga gumuhong tulay, fences, mga hindi natapos na proyekto or talagang hindi ginawa. Nakakaawa naman ang mga taga-DPWH at ang mga contractors, mahirap kayang mag-magic.
DPWH pa lang po ang pinag-uusapan nila. Hindi pa po kasama ang ilang pang departamento ng gobyerno na posibleng may bahid din ng dugo.
Dugo at pawis ninyo po ito. Kabuhayan ninyo po na inanod sa baha. Bahay na sanktuwaryo ng pamilya pamilya mo.
Ay, muntik ko nang makalimutan, may mga suma-sideline at umaapela katulad sa katauhan mo Markolekta. Hindi pa malinaw kung magkano ang porsiyento niya pero malinaw na may bayaning tagapagtanggol ang mga Dismaya. Marami pang role ang madidiskubre. Marami pang nakaririmarim na modus ang mabubuklat. Abangan natin ang susunod na kabanata ng teleseryeng ito. Kayo na po ang bahalang magbigay ng title sa teleseryeng ito. Hanggang sa susunod na hearing.
Ayos Beng, maraming salamat!
Ngayon ko lang narinig ang boses ng dalawang galit na mamamayang Filipino. Kaisa nyo ako sa pag-akusa sa mga korap na politiko at nagkukunwaring para sa bayan.
Wala ng hihigit pa sa magandang kalooban at seryosong paglilingkod upang ingatan at alagaan ang kabuhayan ng sambayanang Filipino… pero sayang, iilan lang sila.
Maging mapagmatyag sa lahat ng oras! Matuto tayong kumilatis kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa.
Wag tayong galit ngayon pero matutuwa at magiging tanga naman kapag nauto!
Sa 2028 ang bawi!