Advertisers

Advertisers

Sa pagtaas ng alcohol taxes, bawas panganib sa kalusugan – Rep. Oducado

0 12

Advertisers

Para mabawasan ang mapanganib napag-inom ng alak at madagdagan ang pondo ng pamahalaan para sa kalusugan, nagpasa si Rep. Nathaniel Oducado ng 1Tahanan Party-list ng House Bill 3887, isang panukalang batas na naglalayong itaas ang excise tax sa mga inuming nakalalasing upang mabawasan ang labis na pag-inom at makalikom ng karagdagang pondo para sa Universal Health Care (UHC) program ng bansa.

Ayon kay Oducado, makatutulong ang naturang panukala na mabawasan ang mga suliraning pangkalusugan at panlipunan na dulot ng alak, masiguro ang pondo para sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan, at sa huli ay makapagliligtas ng mga buhay.

“Ito ay isang win-win na hakbang para sa lahat ng Pilipino,” diin ni Oducado. Binigyang-diin ng mambabatas ang tala ng World Health Organization (WHO) na nagsasabing ang alak ay isa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay at pagkakasakit sa buong mundo.

Noong 2019 lamang, umabot sa 2.4 milyong tao ang nasawi dahil sa alak, kabilang na ang hindi bababa sa 40,000 Pilipino. Binigyang-diin ni Oducado na malakas ang kaugnayan ng pag-inom ng alak sa mga hindi nakahahawang sakit, karahasang domestiko, aksidente sa kalsada, at mga isyung pangkaisipan. Ito ay nagreresulta sa bilyon-bilyong piso ng direktang gastos sa medikal at di-tuwirang pagkalugi dahil sa pagbaba ng produktibidad at maagang pagkamatay.

“Patuloy na ipinapakita ng mga pandaigdigang ebidensya na ang pagtataas ng buwis sa alak ang pinakamabisang paraan upang mabawasan ang mapanganib na pagkonsumo, lalo na sa mga kabataan,” pahayag ni Oducado, na majority member ng Committee on Health sa Kamara.

“Kasabay nito, makalilikha rin ang panukalang ito ng karagdagang pondo upang mapalakas ang ating Universal Health Care program,” dagdag pa niya. Batay sa inisyal na pagtataya, maaaring makalikom ang House Bill 3887 ng hindi bababa sa ₱200 bilyon sa karagdagang kita sa loob ng susunod na anim na taon, na magtitiyak ng mas matibay na proteksyon sa kalusugan at mas maaasahang pondo para sa bansa.