Advertisers
PINALALAKAS ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga barangay tanod at pagpapalawig ng pambansang 911 emergency system sa mga paaralan.
Saklaw ito ng joint memorandum circular na nilagdaan ng dalawang ahensya noong Oktubre 14, sa pangunguna nina Education Secretary Sonny Angara at Interior Secretary Jonvic Remulla, kasabay ng pagsasagawa ng school safety audit at emergency drill sa Bangkal High School sa Makati City.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring makipag-ugnayan ang mga paaralan sa kani-kanilang barangay upang humiling ng tulong ng mga tanod sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na hindi papalitan ng mga barangay tanod ang mga awtoridad ng paaralan o ang mga alagad ng batas. Sasailalim din sila sa oryentasyon upang matiyak na nasusunod ang mga patakaran sa pangangalaga sa mga bata, karapatan ng mga mag-aaral at kaligtasan sa paaralan.
Bukod sa pagdaragdag ng mga katuwang sa seguridad, isasama rin ang DepEd sa unified 911 emergency system ng DILG sa tulong ng technology firm na NGA Philippines.
Sa ilalim ng sistemang ito, sabay na matatanggap ng Philippine National Police (PNP) at DepEd ang mga ulat ng emergency upang mapabilis ang pagtugon at koordinasyon ng dalawang ahensya.
Dadaan din sa validation ng mga tanggapan ng DepEd sa central, regional at schools division levels ang mga insidente. Ayon sa NGA Philippines, layunin nitong paikliin ang prosesong dati umanong inaabot ng ilang linggo upang matapos sa loob lamang ng isang araw, habang sentralisado ang pag-iimbak ng impormasyon.
Inilunsad ng DILG ang unified emergency hotline noong Setyembre 2025 upang pagsamahin sa iisang serbisyo ang mahigit 30 lokal na emergency hotline.
Layunin ng hakbang na palakasin ang mga mekanismo sa pagtugon sa mga insidente ng karahasan, pamamaril at iba pang banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng mga paaralan.