Advertisers
Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mahigit P200 milyong pondo bilang tulong sa probinsya ng Cebu at mga bayan sa hilagang bahagi nito na labis na naapektuhan ng 6.9-magnitude na lindol.
Ginawa ni PBBM ang pahayag sa situation briefing kasama si Governor Pamela Baricuatro at iba pang lokal na opisyal nitong Huwebes, Oktubre 2.
Ayon sa breakdown ng ayuda, P50 milyon ang nakalaan para sa pamahalaang panlalawigan ng Cebu.
Samantala, makatatanggap ng tig-P20 milyon ang mga bayan at lungsod ng Bogo, San Remigio, at Sogod. Tig-?10 milyon naman ang ibibigay sa Medellin, Bantayan, Daanbantayan, Madridejos, Santa Fe, Tabogon, at Tabuelan.
Bukod dito, may inilaan ding tulong para sa sektor ng kalusugan.
Tatanggap ng tig-P5 milyon ang mga ospital na pinapatakbo ng mga LGU na naapektuhan ng lindol, habang P20 milyon naman ang inilaan para sa ospital ng Department of Health (DOH) sa probinsya.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pondong ito ay magsisilbing suporta upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong lugar, matugunan ang kagyat na pangangailangan ng mga mamamayan, at maisaayos ang mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan.
Pinuri naman ng Pangulo ang mabilis na pagtugon ng lokal na pamahalaan at tiniyak ang tuloy-tuloy na pagkakaisa ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar. (Gilbert Perdez)