Advertisers

Advertisers

Simbahan, Itinuring na “Blessing” ang Pakikilahok sa BDP; Opisyal na Sumali sa Execom ng NTF-ELCAC

0 43

Advertisers

Nagkaroon ng malaking lakas ang Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos na pormal na sumali ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) sa Executive Committee (Execom), kalakip ang pangakong buong suporta para sa kapayapaan at kaunlaran.

Inanunsyo ito sa isang press conference sa Malacañang matapos ang ika-8 pagpupulong ng Execom ng NTF-ELCAC, kung saan inilarawan ni PCEC National Director Bishop Noel Pantoja ang pakikipag-ugnayan bilang isang espiritwal na tungkulin at makabayang pananagutan.

> “This is a blessing to the church but at the same time to the country… Makakasigurado po kayo sa presence ng church ngayon, babantayan po natin yung ghost projects. At makakasigurado tayo na ang church talaga ay galit sa korapsyon at tinindigan natin ito hanggang ngayon,” pahayag ni Pantoja.

Kinakatawan ng PCEC ang 78 evangelical denominations, mahigit 40,000 lokal na simbahan, at 268 misyon at iba pang organisasyong panrelihiyon. Sa pag-upo nito sa Execom, tiniyak na magiging aktibo ang simbahan sa paghubog at pagmamanman ng mga polisiya at programang tumutugon sa ugat ng insurhensiya.

Sa isang sulat ng suporta noong Setyembre 19, 2025 para sa NTF-ELCAC, binigyang-diin ni Bishop Pantoja na pinupuri ng PCEC ang pamahalaan “sa pag-i-institutionalize ng whole-of-nation, people-centered, at human rights-based blueprint upang tugunan ang ugat ng insurhensiya at makamtan ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan.”

Dagdag niya, ang pagtutugma ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025–2028 sa mas malawak na balangkas ng seguridad at kaunlaran ng bansa ay nagbibigay ng “makasaysayang pagkakataon upang mailocalize ang mga interbensyon, mapalakas ang monitoring at evaluation, at ma-engganyo ang multi-sektoral na pakikipagtulungan.”

Nakasaad sa naturang sulat ng PCEC ang kanilang mga pangako:

Pakikipagtulungan sa mga LGU at komunidad sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan.

Pagbibigay ng teknikal na tulong at capacity-building para sa mga Peace and Development Centers.

Pakikilahok sa monitoring at evaluation, kabilang ang pagbabahagi ng datos para sa evidence-based na pagbabago.

Pagmomobilisa ng pribadong sektor at mga philanthropic resources para sa trabaho, edukasyon, at batayang serbisyo.

Pagtataguyod ng inklusibong pakikilahok ng civil society, kababaihan, kabataan, katutubo, at iba pang marginalized groups sa lokal na proseso ng kapayapaan.

“We affirm that our support and participation will be consistent with national laws, human rights obligations, and principles of non-partisanship and transparency,” diin pa ng sulat.

Mainit namang tinanggap ni NTF-ELCAC Executive Director at Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. ang pakikilahok ng PCEC, na tinawag niyang makapangyarihang dagdag sa mga pagsisikap ng Task Force.

“We deeply appreciate PCEC’s decision to formally join the Execom. Their moral voice and wide presence in every community provide stronger assurance that the BDP remains transparent and accountable. Let me also emphasize that there are no ghost BDP projects. Every project is accounted for, monitored, and implemented in partnership with local governments and communities,” ani Torres.

Ipinaliwanag niya na nakapaghahatid na ang BDP ng mga konkretong proyekto gaya ng farm-to-market roads, mga gusali ng paaralan, sistema ng tubig, health centers, at elektripikasyon sa mga barangay na malaya na sa impluwensya ng mga rebelde. Ang mga ito ay pinopondohan batay sa phases at prayoridad ng programa.

Dagdag ni Torres, ang pagsali ng sektor ng simbahan, partikular sa pamamagitan ng malawak na network ng PCEC, ay “nagpapatibay sa whole-of-nation approach at nagsisiguro na ang peacebuilding ay hindi lamang institusyonal kundi moral at people-centered din.”

Binigyang-diin naman ni Bishop Pantoja na ang presensya ng simbahan sa bawat sitio at barangay ay nagbibigay rito ng natatanging kakayahan upang hikayatin ang mga komunidad na akuin ang mga proyektong pangkaunlaran at tiyakin ang transparency.

> “Ang mga simbahan natin ay located in every sitio, in every barangay. May magagawa ang simbahan para hikayatin ang mga tao na tumulong at magkaroon ng tunay na kapayapaan and lasting peace,” aniya.

Sa pag-upo ng PCEC sa Execom, ang BDP ay hindi lamang nakikita bilang programa ng pamahalaan kundi isang misyon din ng moralidad—isang pagtutulungan ng estado at simbahan upang makamit ang katarungan, kaunlaran, at pangmatagalang kapayapaan sa mga matagal nang napapabayaan na komunidad.