Advertisers
AWANG-AWA ang 15 sa 24 na senador kay Gongdi. Nag-iisa si Gongdi sa selda sa ICC prison facility sa Scheveningen, Olanda. Malungkot. Nagkasakit umano kahit wala silang ipinakitang medical certificate kundi ang salita ni Misfit Sara at Harry “The Queef” Roque. Solusyon: ibalik siya sa Filipinas.
Inaprubahan ng 15 senador noong Miyerkules ang Resolution 144 na humihingi sa International Criminal Court (ICC) na bigyan si Gongdi ng “temporary liberty,” payagan siya na umuwi sa Davao City, at isailalim sa house arrest. Hindi unanimous ang botohan sa resolusyon.
May dumalong 20 sa 24 na senador sa plenary session. Tanging 15 sa kanila ang sumang-ayon, tatlo ang tumanggi, at dalawang senador na nag-abstained, o hindi bumoto. Sumang-ayon: Migs Zubiri; Rodente Marcoleta; Imee Marcos; Alan Peter Cayetano; Robin Padilla; Bato dela Rosa; Joel Villanueva; at Jinggoy Estrada.
Sumang-ayon rin si Bong Go; Loren Legarda; Erwin Tulfo; Ping Lacson; Sherwin Gatchalian; at Mark Villar. Tumanggi sina Bam Aquino; Risa Hontiveros; at Kiko Pangilinan. Hindi bumoto si Tito Sotto at Raffy Tulfo.
Hindi dumalo sa sesyon plenaryo sina Tricky Tsis Escudero; Pia Cayetano; Lito Lapid; at Camille Villar na nanganak kamakailan. Walang ibinigay na dahilan ang unang tatlo.
Hindi namin naunawaan ang kawalan ng simpatiya ng 15 senador sa damdamin ng mga pamilya ng mga biktima na extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng madugo ngunit palpak na digmaan kontra droga ni Gongdi. Wala kaming narinig kahit anumang simpatiya sa damdamin ng mga naulila ng mga biktima.
Bilib kami sa tapang ng hiya at kapal ng mukha ni Cayetano na ipahayag matinding simpatiya sa mamamatay tao at kriminal na si Gongdi.
Itinumba ng mga pulis at hindi nakilalang kasapi ng grupong vigilante (nakamaskara sila) ang maraming pinaghinalaan na tulak at adik sa ilegal na droga. Hindi sila sumailalim sa anumang legal na proseso. Basta sila pinuksa ni Gongdi dahil sa hinala lang.
Marami sa mga pinatay ang breadwinner. Sila ang inaasahan ng pamilya upang tumangkilik sa kanila. Naghihirap ng matindi ang maraming pamilya ng mga biktima ng EJKs.
Hindi dapat si Gongdi ang kaawaan ng mga hunghang na senador na kulang sa katinuan ng pag-iisip. Mas dapat kaawaan ang pamilya ng mga biktima ng EJKs. Pinakamabuti na manatili si Gongdi sa piitan ng ICC dahil tahimik ang bansa natin kung wala siya dito. Magulo si Gongdi. Labis na magulo.
***
WALA kaming inaasahan sa resolusyon ng Senado. Walang mangyayari doon. Hindi ito pinakikinggan ng ICC.
Una, hindi na kasapi ang Filipinas sa Rome Statute, ang tratado na lumikha sa ICC. Nagdesisyon mag-isa si Gongdi na tumiwalag sa Rome Statute noong 2018 at nagkabisa ang pagtiwalag noong 2019. Kinatigan ng Korte Suprema noong 2021 ang desisyon ni Gongdi kahit sinabi na obligado ang bansa na sundin ang probisyon ng ICC noong kasaping bansa pa ang Filipinas.
Dahil hindi na kasaping bansa ang Filipinas sa Rome Statute, walang paraan upang opisyal na ipadala sa ICC ang resolusyon ng Senado. Hindi namin nakikita na nakikipagtalastasan ang gobyerno ni BBM sa ICC. Hindi kikilos ang DFA.
Mananatili si Gongdi sa piitan hanggang Pasko. Kakatwa na si Gongdi ang biktima ng kanyang padalos-dalos na desisyon na tumiwalag sa ICC. Si The Queef (Harry Roque) ang nagpanukala kay Gongdi na tumiwalag ang bansa sa ICC.
***
BAHAGI ng PR offensive ni Misfit Sara ang resolusyon ng Senado. Nais nila puwersahin ang ICC na bigyan ng pansamantalang kalayaan si Gongdi. Hindi sila biniyayaan ng Itaas ng kagalingan at karunungan kung paano nila makakamit ang kalayaan ni Gongdi.
Hirap maunawaan ng kampo ni Misfit na hindi madadala ang ICC sa mga ganitong istilo ng propaganda. Judicial institution ang ICC. Tanging katwirang legal ang tinatanggap at hindi mga patutsadang pulitikal tulad ng resolusyon ng Senado.
Hindi rin nadadala ang ICC sa mga pagpapanggap na may sakit si Gongdi at walang lakas upang tumayo sa paglilitis ng ICC. Hindi nag-uulyanin si Gongdi. Nagkukunwari lang iyon. Hindi katanggap ang ganitong katwiran lalo na sa pamilya ng kanyang pinuksa.
May panukala na ilitin ang mga ari-arian ng pamilya ni Gongdi, ipunin ang mga ito, at gamitin upang pagbayarin si Gongdi sa mga pamilya ng kanyang ipinapatay. Indemnification program ang tawag nila dito sa batas. Hindi namin kung magkano aabutin. Ito ang dahilan kung bakit may paglilitis sa ICC.
***
HINDI namin alam kung may ideya si Rodente na labis siyang kinasusuklaman sa bansa. Nang tanungin si Tony Carpio kung ano ang kalibre ni Rodente, isa lang ang sagot niya: “Pinakamababa.”