Advertisers
Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na ang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections ay nakatakda nang idaos sa Marso 31, 2026, matapos magpasya ang Korte Suprema na ipagpaliban ang naturang halalan at magdesisyong ‘unconstitutional’ ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77 at BAA No. 58.
“There shall be the first Bangsamoro parliamentary elections, the first in history, to be conducted on March 31,” ayon kay Garcia.
Inatasan rin ng Korte Suprema ang Bangsamoro Transition Authority upang tukuyin ang distribusyon ng district parliamentary seats hanggang sa Oktubre 30, 2025, habang ang Comelec naman ay inatasan nitong magsagawa ng halalan nang hindi lalagpas hanggang Marso 31, 2026.
Tiniyak ni Garcia na tatalima sila sa direktiba ng Mataas na Hukuman at hindi na rin nila iaapela ang desisyon ng SC.
Bago niyan, ang Bangsamoro Parliamentary Elections ay orihinal na nakatakdang idaos kasabay ng May 12, 2025 midterm election, subalit ito ay ipinagpaliban at itinakda sa Oktubre 13, 2025 at muling nailiban. (JERRY S. TAN)