Advertisers

Advertisers

Ex-Asst. City Ad ng Manila inireklamo ng P170m graft at malversation

0 28

Advertisers

NAGSAMPA ng mga reklamong kriminal, sibil at administratibo sa Office of the Ombudsman ang Manila LGU laban kay dating Assistant City Administrator Jocelyn Dawis-Asuncion na inakusahan ng paglilipat ng mahigit P170 milyong pondo sa edukasyon upang bayaran ang mga insurance premium ng pamahalaan sa panahon ni dating Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Sa 14 pahinang complaint-affidavit na inihain Oktubre 7, sinabi ni Manila OIC City Accountant Jonathan Galorio na pinahintulutan ni Asuncion ang maraming disbursement mula sa Special Education Fund (SEF) ng Lungsod ng Maynila upang masakop ang mga premium ng Government Service Insurance System (GSIS) at loan amortization sa kabila na ang mga obligasyong ito ay ibinabawas na sa suweldo ng mga empleyado.



Sinabi ni Galorio na ang documentary records ay nagpakita na si Asuncion ay nagbigay ng ilang liham sa Land Bank of the Philippines sa pagitan ng Hulyo at Oktubre 2024 na nagpapahintulot sa bangko na mag-debit ng kabuuang P170,105,961.99 mula sa SEF trust account ng lungsod para sa mga pagbabayad sa GSIS.

Sinabi ni Galorio na umabot sa technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices at, paglabag sa GSIS Act at gross negligence ang transaksyon.

Ayon pa kay Galorio, lumikha ng malubhang pagdududa ang ginawa ni Asuncion kung saan talaga napunta ang ibinawas na mga premium na nagmumungkahi ng “misapplication, mismanagement, o misappropriation” ng government resources.

Isang espesyal na pondo ang SEF para sa mga programang edukasyon, pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan, at pagtatayo ng mga pasilidad nito. (Jocelyn Domenden)