Advertisers
BINANSAGAN ng Truth and Integrity Network (TIN) si Edward Ligas bilang isang “fake news peddler at serial defamer” matapos siyang sampahan ng limang kaso ng cyber libel dahil sa pagkalat ng mga maling impormasyon at mapanirang post sa social media.
Ayon kay Andres Tiangco sa press conference, pinuno ng TIN, ang ZLREJ Trading and Construction Corporation na pagmamay-ari ni Jerome Awit ay nagsampa ng kaso noong Setyembre 17, 2025 laban kay Ligas sa paglabag sa Article 355 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. Ang reklamo ay kaugnay ng sunod-sunod na malisyosong Facebook posts ni Ligas mula Agosto 14 hanggang 23, 2025, kung saan pinagbintangan niya ang ZLREJ ng paggawa ng “substandard” at “ghost projects” sa Mandaue City, partikular ang P127-milyong flood-control project sa Maguikay.
Sinabi ni Tiangco na imbis sagutin ni Ligas ang mga akusasyon, nagsumite ito ngayon ng counter-affidavit na wala namang kaugnayan sa kaso. “Hindi niya sinagot ang mga reklamo—bagkus, naglabas siya ng panibagong fake news tungkol sa Mahiga Creek project,” ani Tiangco. “Ginamit pa niya ang mga lumang litrato para lituhin ang publiko. ‘Yan ang tinatawag na diversionary tactic—imbis ipaliwanag ang isyu, pinapalitan ng bagong kasinungalingan.”
Dagdag pa ni Tiangco, ang proyekto sa Mahiga Creek ay natapos na noong Mayo 18, 2025, kaya malinaw na gimik lang ni Ligas ang paggamit ng mga luma at pekeng larawan. “Paulit-ulit niyang ginagamit ang parehong estilo—kunin ang lumang litrato ng proyekto, sabihing ghost o substandard, kahit tapos na sa katotohanan,” giit ng TIN.
Ayon sa grupo, hindi lang mga pribadong indibidwal ang biktima ni Ligas kundi pati ilang miyembro ng media na nalinlang sa kanyang mga gawa-gawang kwento. “Ginagamit niya ang social media para lasunin ang isip ng publiko,” ani Tiangco. “Hindi ito adbokasiya, kundi paninira.”
Sa kabilang banda, ZLREJ ay nagpakita ng mga opisyal na ulat mula sa DPWH, mga laboratory test results, at bidding documents na nagpapatunay na maayos at legal ang lahat ng proyekto nila. Pinatunayan din na walang katotohanan ang mga paratang ni Ligas.
“Sa panahong ito na mahalaga ang katotohanan at pananagutan, wala nang puwang ang fake news sa ating lipunan,” diin ni Tiangco. “Tutulungan ng Truth and Integrity Network ang mga biktima ng mga paninira ni Ligas—at sisiguruhin naming mananagot siya sa batas.”