Advertisers
Ni ANNE VENANCIO
Ipapalabas na ang pelikulang ‘Lakambini’ matapos ang mahigit isang dekadang pagkakabinbin.
Tampok dito sina Lovi Poe bilang Gregoria de Jesus at Rocco Nacino bilang Andres Bonifacio, sa direksyon ni Arjanmar Rebeta, hango sa buhay ng “Lakambini ng Katipunan.”
Ayon kay Rocco, malaking karangalan ang gumanap bilang Bonifacio at maging bahagi ng proyektong kanilang pinaghirapan noong sila pa ni Lovi. Ngayon, may kanya-kanya na silang buhay — si Rocco ay kasal na kay Melissa Gohing, habang si Lovi ay may anak na kay Monty Blencowe.
“Masaya ako para kay Lovi at sa asawa niya. Pareho kaming nasa maayos na yugto na ng buhay,” ani Rocco.
Idinagdag din niya na napapanahon ang pelikula dahil ipinakikita nito ang tapang ni Gregoria de Jesus at ang kahalagahan ng boses ng kababaihan.
“Ito ang pelikulang dapat mapanood ng kabataan—para maalala nila ang tunay na pagmamahal sa bayan,” giit niya.