Advertisers
Tinalakay ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso at Department of Budget and Management (DBM) ang mungkahing pagpapaunlad ng Halal Town ng pamahalaang lungsod ng Maynila at ang planong rehabilitasyon ng Golden Mosque Complex sa Quiapo.
Una rito magkasabay na inikot ng alkalde at ni Pangandaman kasama sina Vice Mayor Chi Atienza at ilang mga opisyal ng pamahalaang lungsod gayundin ang Department of Tourism Cultral Affairs (DTCAM) ang Halal Town bilang paghahanda na rin sa ASEAN Summit sa susunod na taon kung saan dito sa Pilipinas gaganapin bilang host ng nasabing kaganapan.
Layon ng pagpupulong na tiyakin ang pagkakahanay sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng pambansang pamahalaan.
Pinuri ni Pangandaman ang konsepto ng Halal Town ng Maynila at siniguro ang kahandaan ng kanyang ahensya na magbigay ng suporta, lalo na habang ang pambansang pamahalaan ay naghahanda rin para sa malaking gawain sa rehabilitasyon sa Golden Mosque.
“Insha’ Allah, natutuwa kami na ang gobyerno ng UAE ay magbibigay sa atin ng pondo para mapaganda ang Golden Mosque Complex.” anang kalihim ng DBM.
Sinabi ni Pangandaman na ang inisyatiba sa restorasyon, sumusunod sa mga naunang tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at unang Ginang Liza Araneta-Marcos na i-upgrade ang makasaysayang lugar na orihinal na itinayo noong panahon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay Pangandaman, ang nakikitang rehabilitasyon, nakahanay sa mga pagsisikap ng Maynila na ipakita ang pagkakasamang pangrelihiyon at turismo sa kultura. Binanggit ng hepe ng DBM ang estratehikong kalapitan ng Quiapo Church at ng Golden Mosque bilang mga simbolo ng pagkakaisa.
“Para sa mga Muslim, pwede silang pumunta dito; yung mga Katoliko naman, papasyal din dito. Then, there’s exchange, maganda siya for tourism prospects, trade, work, jobs, livelihood, among others,” dagdag niya.
Bilang tugon, nagpasalamat si Domagoso sa DBM sa suporta nito at binigyang-diin na ang inisyatiba ng Halal Town ng lungsod ay parehong lokal na programa sa kabuhayan at pambansang oportunidad sa ekonomiya.
Ibinahagi ng alkalde na si VM Atienza ay ipinadala sa Malaysia upang pag-aralan ang mga pinakamahusay na pamamaraan sa kalakalan ng halal at pamamahala sa urban, kasunod ng mga talakayan sa sugo ng Malaysia at mga lider ng negosyo.
Idinagdag niya na ang lungsod ay naglalayong balansehin ang aktibidad sa ekonomiya at kaayusan sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga tiyak na sona para sa komersyo at pagtiyak ng accessibility at kaligtasan para sa mga vendor at bisita.
Sinabi ng alkalde na kumakatawan ang Quiapo sa kultural na dualidad ng Maynila, at ang proyekto ng Halal Town, naglalayong palakasin ang mapayapang pagkakasama sa pagitan ng mga komunidad.
Nagpasalamat din si Domagoso kay Pangandaman at sa administrasyon ni Marcos Jr., sa kanilang pangako sa inklusibong paglago. (Jocelyn Domenden)