Advertisers
SA joint operation ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Station Intelligence Section (SIS), at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City Police, sa pakikipag-ugnayan ng Imus City Component Police Station, nadakip ang nakapatay sa isang pulis-Maynila, na ikinadamay ng dalawa pang katao mahigit dalawang buwan na ang nakararaan sa Pasay City.
Kinilala ni Las Piñas City police chief Colonel Sandro Jay Tafalla ang inaresto na si alyas Sansuwe, 23 anyos, residente ng Dasmariñas City, Cavite.
Base sa report na natanggap ni Tafalla, nangyari ang pag-aresto kay Sansuwe 2:00 ng hapon nitong Nobyembre 2 sa Gen. Castañeda St., Poblacion 3A, Imus City.
Ayon kay Tafalla, naisakatuparan ang pagdakip ng suspek sa bisa ng warrant of arrest.
Narekober sa posesyon ng suspek ang isang Taurus Cal. 9mm pistola na mayroong magazine na kargado ng 15 bala.
Si alyas Sansuwe ay ang di-umano’y bumaril-patay kay PSSG Jomar Caliguiran, nakatalaga sa Manila Police District (MPD), habang nakaupo ang pulis sa kanyang nakaparadang motorsiklo matapos tangkaing hablutin ang kanyang kwintas ng suspek, na nagresulta ng palitan ng putok sa kanto ng Taft Avenue at Primero de Mayo Street, Barangay 90, Pasay City noong Agosto 23.
Tinamaan ng ligaw na bala sina Ajjon Baldenibro, 31, at ang tricycle driver na si Melchor Bermundo, 64.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na sangkot din si Sansuwe sa mga kaso ng pagnanakaw at holdap sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila, gayundin sa lalawigan ng Rizal.