Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Aminadong nahirapan si Direk Joel Lamangan sa pelikulang “Jackstone 5” na handog ng Apex Creative Productions.
Bukod kasi sa siya ang direktor, isa rin siya sa mga bida ng nasabing comedy-drama.
“Ang hirap pala ng maging direktor at aktor ka at the same time. Ang hirap ng trabaho. Ito kasing si Dennis (Evangelista) na siyang line producer, siya iyong nagkumbinsi sa akin,”bulalas niya. “Pag artista ka kasi, iyong sarili mo lang ang iintindihin mo pero pag ikaw iyong direktor, kailangang i-oversee mo lahat,”dugtong niya.
May pasabog din siyang first time niyang sumabak sa kissing scene sa baguhang si Abed Green at sa love scene sa VMX hunk actor na si Jhon Mark Marcia.
“Sa totoo lang that was my first kissing scene in film,” may pa-tweetums niyang paglalahad.
Sey pa niya, first time rin daw niya iyon na makipag-kissing scene sa kapuwa lalake kaya feeling niya ay virgin siya.
Hirit pa niya, nanginginig daw siya nang ginawa niya ang nasabing eksena.
Gayunpaman, hindi raw naman siya kinabahan bagkus ay na-excite pa.
“Hindi ako kinabahan (sa kissing scene) pero na-excite ako,” hirit niya.
Kahit nakaganap na siya ng gay roles tulad ng kanyang papel sa “FPJ’s Batang Quaipo” bilang Roda, kakaibang challenge raw naman ang hatid sa kanya ng kanyang karakter sa pelikula.
“Gaganap akong bakla although gumaganap na akong bakla sa TV araw araw bilang Rhoda. Pero hindi ito si Rhoda,” aniya. “Ang mahirap sa role ko ay yung nabuko na ako at malayang malaya na ako maging bakla. Mas higit pa yun kay Rhoda. Yun ang challenge sa akin, “ pahabol niya.
Tungkol naman sa mga isyu ng ibang miyembro ng LGBQIA+ community, dumaan din daw siya sa mga pinagdadaanan ng mga ito.
“Siyempre, nandiyan iyong discrimination sa iba’t-ibang porma. Nandiyan iyong gender identity, sexual confusion, iyong pag-out, iyong panghuhusga, iyong name calling, bullying, harassment at iba-iba pa,”paliwanag niya.
Paniwala naman ng batikang direktor na ang pag-out ng isang tao ay isang karapatan na hindi dapat ipilit.
“Dahil nga ang daming klase ng gay, may proud and gay, may paminta o tago, I think iyong pag-out is something na hindi dapat ipilit sa kanila. Kumbaga, dapat din nating irespeto iyong space nila. May kanya-kanya tayong paniniwala. Kung saan sila, komportable, irespeto natin sila,”esplika niya.
Ang pelikulang “Jackstone 5” ay kuwento ng limang magkakaibigan na mga faney ng grupong Jackson 5 at mahilig maglaro ng jackstone noong kanilang kabataan.
Sa reunion nila in their senior years, muling manunumbalik ang kanilang pagkakaibigan.
Maliban kay Direk Joel, mga bida rin sa Jackstone 5 sina Eric Quizon, Arnell Ignacio, Gardo Verzosa at Jim Pebanco.
Nasa supporting cast din sina Abed Green, Marcus Madrigal, Elora Españo, Rico Barrera, Prince Clemente, Angela Cortez, at Jhon Mark Marcia.
Palabas na ang komedyang may puso sa mga piling sinehan simula sa Disyembre 3 na idinirehe ni Joel Lamangan with Dennis Evangelista as line producer.