Advertisers

Advertisers

14 PULIS SA RAPE AT ROBBERY CASE CONTROVERSY SA BACOOR, PANIRA SA MABUBUTING PULIS

0 7,701

Advertisers

Tanggal na sa puwesto dahil sa ‘command responsibility’ ang commander ng PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit (SOU) sa CALABARZON dahil sa pagkakasangkot ng 14 niyang tauhan sa kasong rape at robbery sa kontrobersyal na operasyong isinagawa nila sa Bacoor, Cavite kelan lamang.

Siyempre pa, kasama ring inalis sa puwesto ang mga sangkot na pulis pati na din ang kanilang team leader na may ranggong police lieutenant na diumano ay gumahasa sa girlfriend ng target ng kanilang ‘operasyon’. Isang master sergeant, limang corporal at pitong patrolmen ang mga kasamang inalis at kinasuhan.

Walo sa nasabing pulis ang arestado na habang anim pa ang pinaghahanap, matapos silang ireklamo ng panloloob sa bahay at panghahalay sa isang 18-anyos na babaeng online seller sa nasabing ‘operasyon’ noong Nobyembre 22 na dapat sana ay isa umanong buy-bust. Lahat ng sangkot ay miyembro ng anti-narcotics team na nakabase sa region 4-A (Calabarzon).

Batay sa salaysay ng mga biktima, sinalakay ng nasabing mga pulis ang kanilang bahay sa Bacoor City noong Sabado ng umaga. Bukod sa nakasibilyan, may takip pa sa mukha ang mga pulis. Hindi rin daw sila nagpakilala o nagpakita ng search warrant. Nagsabi lang umano sila na hinahanap nila ang boyfriend ng dalagita na kalaunan nga ay ni-rape.

Ayon sa rape victim, nahuli ang kanyang boyfriend noong 2019 dahil sa paglalaro ng “cara y cruz’ pero ang isinampang kaso ay tungkol na sa illegal drugs.

Kahit wala ang sinasabi nilang target ng opeasyon, nagpilit umano ang mga pulis na buksan ang kwarto ng kanilang tiyuhin, kinuha ang kanilang mga cellphones, pera at pati mga paninda sa online, pati sapatos ng target na wala doon, dalawang gintong singsing, dalawang helmet at maging ang kanilang motorsiklo.

Pinasok din daw ng mga pulis ang kwarto kung saan naroon ang dalagita at nang walang makuhang droga, pinaalis umano ng team leader ang mga kasamang pulis, isinara ang kwarto at dun na hinalay ang biktima na noon ay nakapambahay lamang at nakasuot ng maiksing shorts.

Walo sa 14 na mga pulis, kabilang ang kanilang manyakol na team leader, ang dinakip noong Linggo sa PNP DEG SOU sa Calamba City at ayon sa PNP, lahat ng sangkot ay papanagutin. Lahat sila ay ipinagharap na ng administrative complaint sa National Police Commission (Napolcom), gayundin ng kasong rape at robbery in band sa Office of the Prosecutor.

Galit na galit si Napolcom Executive Officer Atty. Rafael Calinisan sa pangyayari at aniya, ‘sasampolan’ ang mga nasabing pulis.

Nakakasuklam ang mga ganitong uri ng pulis. Nagnakaw na nga, nang-rape pa.

Ang hindi pagkibo ng mga pulis sa ginagawa ng kanilang team leader ay isang hayagang pagkunsiti o pagpayag sa krimeng ginagawa nito sa tungkil ng kanilang ilong, kaya dapat lamang na pati silang lahat ay makasuhan. Lumalabas na sabwat-sabwat silang lahat, kaya ang kasalanan ng isa ay kasalanan nilang lahat.

Wala kaya silang anak, kapatid o pamangkin na babae? Ano kaya pakiramdam nila kung sa kapamilya nila mangyari ang ganito? Ang tanong ngayon ay ito: ito ba ang unang pagkakataon na ginawa ng mga pulis na ito ang ganitong karumal-dumal na krimen?

Marami akong kaibigang pulis na maayos at nagsisikap na mapanatiling mataas ang tingin ng publiko sa kapulisan, tapos sisirain lang ng 14 na ito? Ang dapat sa mga ito, makulong at makatikim din ng gahasa sa loob ng bilangguan.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.