Advertisers
PAREHONG anak ng pangulo si Majority Leader Sandro Marcos at Kin. Paolo Duterte ng Davao City. Anak ng nasa poder si Sandro. Anak ng dating nasa poder si Polong. Hindi na presidente ang ama ni Polong at nakakulong ito sa piitan ng ICC sa Olandiya.
Napakalaki ng uri ng pagpapalaki ng kanilang mga magulang. Lumaking mapagkumbaba, pino, magaling, at disente si Sandro. Bastos, magaspang, at walang pakiramdam sa kapwa tao si Paolo, o Polong. Ang tingin ni Polong sa sarili ay napakagaling niya kahit alam ng mundo na mahina ang kanyang kukote.
Kung umasta si Polong, hindi sasabihin ng sinumang nakasaksi na dating pangulo ang kanyang ama. Ang buong akala kasi niya, pangulo pa si Gongdi. Abusado si Polong. Wala siyang pakialam sa damdamin ng kapwa-tao. Walang pakiramdam.
Nong anyayahan si Sandro ng Independent Commission on Infrastructure (ICI), bulontaryo na nagpaunlak si Sandro. Hindi nagdalawang salita ang lupon na bumubuo ng ICI. Hinarap, sumagot sa kanilang mga tanong, at nagpaliwanag. Mabilis na natapos ang nakatakdang pagharap ni Sandro sa ICI.
Baligtad si Polong. Masyadong maraming sinasabi. Mistulang dalahira sa pagbibigay ng paliwanag sa hindi sana isyu sa kanya.
Ayon sa kanya, wala umanong poder at hurisdiksyon ang ICI sa kahit kaninong kasapi ng Kongreso dahil sa magkahiwalay ng poder ang mga pangunahing sangay ng pamahalaan – Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura.Wala sanang problema diyan kung maayos ang takbo ng gobyerno. Ngunit hindi nga maayos dahil bilyon-bilyon piso ang nawawala dahil sa matindinding katiwalian.
Isa si Polong sa pinaghihinalaang tiwali. Isa siya sa dumambong umano ng salapi ng bayan. Tinatayang P51 bilyon sa pondo na inilaan ng Kongreso sa kanyang distrito. Hindi naipaliwanag ni Polong ang kapalaran ng napakalaking halaga. Kaya nakakapagtaka kung bakit marami siyang sinasabi sa poder ng mga sangay ng gobyerno. Dahil ba ninakaw niya umano ang pondo ng bayan?
Sinabi ni Polong na hindi malinaw ang batayan ng imbitasyon sa kanya ng ICI. Inakusahan pa ni Polong ang ICI na “kasangkapan” ni BBM upang siraan ang pamilya Duterte. Teka muna, dati ng sira ang pamilya Duterte. Sila lang ang makapal ang mukha.
Hindi dapat natakot si Polong sa ICI dahil salat ito sa kapangyarihan upang tuluyang siyang pagbintangan ng krimen ng pandarambong. Wala itong poder upang pigain siya ng kanyang nalalaman sa mga katiwalian kaugnay sa flood control scam na naunang isiniwalat ni BBM.
Dahil mahina ang ulo, magaspang, at bastos, nauna kay Polong ang magsalita ng hindi tama. Nauna ang tapang-tapangan ni Polong. Nauna ang pagsisiga-sigaan niya.
Nahalata ang pagkakamali sa pagpapalaki kay Polong. Nagmana sa ama na bastos at walang galang. Hindi ganito ang nangyari kay Sandro. Humarap at nagbigay ng kanyang panig. Hindi nagsiga-sigaan si Sandro kahit nasa poder ang ama. Hindi siya nambastos at nagsalita ng hindi tama. Pinalaki siya ng maayos.
Sa asal ni Polong, may alam na tayo sa kapalaran ng P51-B na inilaan sa kanyang distrito. Hindi ito nagamit ng tama.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Ang daming alam nito sa batas ni Cayetano. Di ko nga lang alam kung batas ba ng tao or batas ng demonyo.” – Marivic Agbayani, netizen, kritiko
“Tumanda ako sa pamamahayag. Big words don’t make big ideas. Iyong salitang magbibitiw, magbibigti, magpapakamatay, o mag-hunger strike – wala ang mga iyan. Hungkag na salita ng isang hunghang.” – PL, netizen, kritko
bootsfr@gmail.com