Advertisers
Ni Anne Venancio
Hindi natuloy ang planong pelikula na pagsasamahan nina Senador Robin Padilla, Coco Martin, Senador Lito Lapid, at dating senador Bong Revilla, na target sana noong 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa ilalim ng Imus Productions.
Ayon kay Sen. Robin, hindi nagkasundo ang grupo sa mga papel na gagampanan ng bawat isa na karaniwang hamon sa malalaking proyekto. Posible rin umanong nakaapekto sa desisyon ang kasalukuyang kinahaharap na isyu ni Bong.
Samantala, kinumpirma ni Robin na nasa post-production na ang kanyang comeback movie na ‘Bad Boy 3’. Ang special effects ng pelikula ay isasagawa sa Thailand o India bago ipalabas sa Netflix.
***
Ellen Adarna ‘di makabalik sa Cebu dahil sa anak kay John Lloyd
Mas pinili umano ni Ellen Adarna na ituon muna ang kanyang panahon sa pagpapalaki ng anak na si Elias kaysa agad na bumalik sa Cebu, lalo’t mas praktikal ito dahil kasalukuyang nag-aaral ang bata.
Masaya na umano siya ngayon na tahimik siyang namumuhay bilang full-time mom kung saan siya mismo ang personal na nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng anak mula sa paghahanda ng pagkain hanggang sa paghatid at pagsundo sa school.
Nilinaw din ng aktres na hindi siya umaasa sa mga ama ng kanyang dalawang anak. Paninindigan umano niya ang pagiging independent.
Safe naman daw ang kanyang mga ari-arian kaya kumportable siya ngayon sa kanyang buhay.