Advertisers

Advertisers

Gilas may alas!

0 56

Advertisers

Kahit malabo ang mga regulasyon sa SEA Games sa Thailand ngayong buwan ay malakas pa rin ang ating pambansang koponan.

Bukod diyan ay hindi lahat ng player ni Coach Norman Black na nasa line-up ay pwede sa isinasagawang mga ensayo nila sa Moro Lorenzo Gym o sa Meralco Gym.

Malaking dagok man ang hindi pagpayag ng mga organizer sa mga naturalized cager ay may alas pa rin ang Gilas na itinatago. Kahit hindi maaari maglaro sina Justin Brownlee at Ange Kouame ay mayroong isa pa na malaki ang maitutulong sa squad.

Nandiyan pa rin sina Matthew Wright, Ray Parks Jr at Thirdy Ravena na magmumula pa sa kanilang mga mother team sa abroad.

Makakasama rin nila sina Jaimie Malonzo, Robert Bolick at Justin Chua.

Ang iba nilang kakampi ay sina Von Pessumal, Dalph Panopio at Abu Tratter. Gayon din ang mga college standout na sina Veejay Pre, Cedrick Manzano at Allen Liwag.

Ayon nga sa ating ibong pipit ay may isang beterano ang papasok sa huling sandali upang magdagdag ng tangkad at karanasan sa team.

Lilipad ang grupo pa-Thailand sa Huwebes.

***

“Kay sa nasa bahay lang mga tropeo, medalya at iba pang memorabilia ay minabuti kong ilagak ang mga ito sa isang museo upang mas marami matuwa, ” kwento ni Eugene Torre sa atin hinggil sa desisyon na magtayo ng permanenteng bahay ng mga mahahalagang bagay sa buhay niya.

” Mabuti at nagkakilala kami ni Dionisio Salvador Jr, isang chess enthusiast na may-ari ng isang resto sa Marikina,” dugtong ni Torre.

Kaya hayun makikita na ng publiko sa Pan de Amerikano Restaurant ang mga mga importanteng item tungkol sa karera ng kauna-unahang grandmaster na Asyano.

Ang mga larawan ng mga laban at pamilya, mga karangalan pati ang Hall of Fame award ay nandoon sa Eugene Torre Chess Museum.

May giant chess set din at mga koleksyon ng mga bagay-bagay sa ajedrez ay nasusumpungan nyo sa museum na matatagpuan sa Gen. Ordonez cor Maroon, Concepcion Dos sa siyudad ng Marikina.

Mapapanood ninyo ang video ng lugar at panayam natin kay Torre sa ika-29 ng buwan sa OKS@DWBL. May streaming din sa Facebook at YouTube sa ganap na alas kuwatro ng hapon.

***

Nakikiramay tayo sa pamilya ni Jimmy Mariano, ex coach at cager na Olympian.

Pumanaw noong Linggo ng hapon ang flag bearer ng Pinas noong 1972 Munich Olympics.

Nakilala bilang UE Warrior tapos sumikat sa Meralco Reddy Kilowatts at Concepcion Motorolas.

Dati 3 na lang silang buhay nina Robert Jaworski at Ramon Lucindo na miyembro ng Meralco na MICAA champ noong 1971.

Naging coach ng UE sa UAAP at ng Presto Tivoli sa PBA.

84 años na ang forward- center nang malagutan ng hininga.