Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
PAGKAKAISA ng mga Filipino at pagmamahal sa bayan ang mensahe ng bagong single ng veteran singer na si Imelda Papin.
Ginanap ang event sa Tanghalang Pasigueño last Monday at ito’y napuno ng makabayang damdamin, suporta, at pagkakaisa sa mga present sa hapon na iyon.
Dumagsa ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay — ano man ang kulay politika o pinagmulan, upang ipagdiwang ang isang kantang nagbubuklod sa lahat.
Inawit ng iconic singer na si Ms. Papin ang kanta, na nilikha nina Mon del Rosario at Imelda Papin, at agad na tumimo ito sa puso ng mga dumalo.
Sa pagbukas ng anthem: “Pilipino Ako, Pilipino Tayo… Oh! Pilipino Tayo…” Dito’y mararamdaman agad ang pagmamahal sa bayan at pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Patuloy ang kanyang emosyonal na pagtatanghal at bahagi pa ng kanta ay: “Ako ay Pilipino, malalim kung magmahal… hindi tumatalikod sa krusada ng kapayapaan… Sa aking mga magulang ako ay magalang…”
“Kahit labi ko ay may ngiti, kahit tinig ko ay may lambing…” Ito ang bahagi ng pre-chorus ng lyrics na nagdulot ng katahimikan sa auditorium bago pumutok sa palakpakan sa chorus: “Di mo mabibili, bakal ang paninindigan… Pilipino Ako!”
Sadyang marami sa mga dumalo ang naantig nang todo at nakaramdam ng nostalgia, naalala ang mga panahon ng kanilang kabataan, pamilya, at mga pinapahalagahan na tradisyong Pinoy.
Samantala, bilang mensahe, sinabi ni Ms. Imelda, “Ang kantang ito ay paalala na saan man tayo dalhin ng buhay, iisa pa rin tayong sambayanan – matatag, nagmamahalan, at nagkakaisa. Ang kantang Pilipino Tayo ay alay ko sa bawat Pilipinong patuloy na lumalaban para sa ating bayan.”
Masigla ang suporta mula sa maraming media at mga vlogger, na nagbahagi ng kaganapan sa mas malawak na naaabot ng madla.
Ayon naman sa mga organizer, higit pa sa isang kanta ang Pilipino Tayo, ito ay paanyaya sa pagkakaisa, pagmamalaki, at pagmamahal sa Pilipinas.
Inaanyayahan at ineengganyo nito ang bawat Pilipino na makiisa, umawit, at ipagmalaki na tayo ay Pilipino.