Advertisers
Balot ng masking tape ang ulo at nakagapos ang 2 kamay ng isang lalaki na biktima ng “summary execution” sa gilid ng Sampaloc Road, Tanay Rizal.
Ayon sa Tanay Municipal Police Office, isang grupo ng jogger ang nakatagpo sa bangkay ng biktima noong Disyembre 7, ika-8:30 umaga.
Inilarawan ng mga awtoridad ang biktima bilang isang medium-built na lalaki, tinatayang 5’7” ang taas, nasa 45 hanggang 50 taong gulang, at nakasuot ng gray long-sleeved shirt at dark gray pants.
Ayon sa mga nakakita, nakahandusay ang lalaki sa madamong bahagi ng kalsada, na ang kalahati ng ulo ay balot ng masking tape at parehong kamay ay nakatali, dahilan upang agad nila itong ireport sa pulisya.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Tanay MPS at tumawag sa Provincial Forensic Unit upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa lugar.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa likod ng krimen. (Edwin Moreno)