Advertisers

Advertisers

PEKENG ENVIRONMENTAL GROUP SA ZAMBALES

0 120

Advertisers

NANG-IINIS na lang ang mga pekeng environmental group ng Zambales. Hindi kinakagat ang kanilang adbokasiya. Hindi pinaniniwalan ang kanilang ipinaglalaban umano. Hindi sila sineseryoso. Mistulang mga naulilang aso ang mga namumuno sa mga environmental group. Tahol ng tahol na parang nakakakita ng multo pero walang epekto.

Hindi sila kinilala sa national level. Tumalbog sila sa local level. Maliban sa isang kongresista, wala kahit isang mambabatas na kanilang nilapitan ang nakinig at sumeryoso sa kanila. Tanging isang grupong maka-Kaliwa na binubuo ng mga “inaaping” mangingisda ang nakipag-alyansa sa kanila. Wala silang ngipin. Wala silang lakas sa gitna ng kanilang taghoy.

Sa national level, isang inter-agency committee na binubuo ng mga kinatawan ng DENR, DILG, DPWH, and DoTr ang nagpasya na mali ang ipinangangalandakan ng mga grupong ito na mayroon pagguho ng lupa (soil erosion) sa baybay-dagat ng Zambales, partikular sa bayan ng San Felipe. Wala pagguho ng lupa, anila.

Ayon sa Oct. 28 ulat ni Engr. Ralph Pablo, DENR R-3 Executive Director, ang dredging activities sa mga ilog ng Sto. Tomas, Maloma, at Bucao sa San Felipe ay para pabalikin ang kanilang sigla bilang ilog, lalo na ang kanilang daloy, at iwasan ang baha sa Zambales.

Hindi balak na wasakin ang kaligiran tulad ng ipinagkakalat ng mga huwad na environment group ng Zambales. Hindi batay sa katotohanan na may soil erosion sa lalawigan. Hindi nauunawaan ng mga environmental group na walang gastos ang gobyerno sa mga dredging activities. Bumabaw ang mga ilog dahil sa pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991 at naging sanhi ito ng pagbaha.

Sa local level, sinisi ng Zambales Foreshore Development and River Restoration Management Council (ZFDRRMC), isang multiagency local government body para pangalagaan ang kaligiran, ang proseso ng kalikasan sa pagkawasak ng mga resort structures sa dalampasigan ng San Felipe. Ang totoong dahilan ay ang mga malalaking alon, malalakas na hangin, at patuloy na pag-ulan sa panahon ng habagat, ayon kay Domingo Mariano, hepe ng ZFDRMC.

Walang soil erosion, ani Mariano. Bukod diyan, illegal ang karamihan na nawasak na resort structure dahil kulang ng kaukulang permit at lisensya. Hindi naiintindihan ng mga grupong ito ang totoong ibig sabihin ng soil erosion. Hindi nila binasa ang mga scientific findings ng mga geoscientist na gumawa ng pag-aaral sa baybay-dagat ng Zambales.

Ang problema ng mga grupong ito ay ang kanilang taimtim na paniniwala na sila lang ang tama. Hindi sila nakikinig sa katwiran ng kabilang panig. Kapag hindi sinang-ayunan ang kanilang paniniwala, tatakan nila ang mga ito na “bayaran.” Galit ang umiiral sa kanila lalo na kanilang lider ng hindi pinakikinggan sa lalawigan.

Maraming mambabatas – senador at kongresista- ang hinikayat ng Save Zambales Kalikasan Network. Tanging si Kin. Leila de Lima ng Mamamayan ng Liberal Party List ang humingi ng public hearing sa isang resolusyon.

Dahil nag-iisa lang si de Lima sa resolusyon, walang kasigurahan kung magkakaroon ng public hearing. May posibilidad na hindi makakuha si de Lima ng suporta mula sa mga kasamang mambabatas. Walang silbi ang public hearing kung hindi dadalo ang mga mambabatas. Hindi kami magtaka kung walang mangyari sa resoluyon.
***
HINDI namin maintindihan kung bakit si Harry Roque ang nagpahayag na may arrest warrant laban kay Bato dela Rosa mula sa ICC. Hindi rin namin maintindihan kung bakit nagpipilit si Allan Peter Cayetano na pigilin ang pag-aresto kay Bato.

Gusto lang nila ng publisidad. Nabubuhay lang sila sa publisidad. Pugante sa batas si Roque. Hindi pinaniniwalaan si Cayetano. Pareho silang mga walang kredibilidad.

***

bootsfra@yahoo.com