Advertisers
Naalala niyo pa ba iyong sinasabing ‘member’s money’ sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) na nagkakahalaga ng P60 bilyon? Naging makontrobersyal ang nasabing halaga dahil nga kinukuwestiyon ang ginawang paglipat ng ahensya sa pondo sa National Treasury noong 2024.
Nitong Disyembre 5, sa desisyon ng Korte Suprema, kabilang sa mahahalagang probisyon na inilabas ang pagdeklarang iligal ang paglipat ng P60 bilyong excess fund ng PhilHealth sa National Treasury.
Ang paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth at iba pang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) ay batay sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII ng 2024 General Appropriations Bill o budget law.
Sa ilalim ng probisyon, pinapayagan ang Department of Finance (DOF) na ipalipat ang sobrang pondo ng GOCC sa National Treasury upang magamit para sa mga proyekto ng gobyerno.
Gamit ang probisyong nakalagay ng GAA, naglabas ang noon ay kalihim ng DOF na si Executive Secretary Ralph Recto ng Circular No. 003-2024 hinggil sa cash sweep ng sobrang pondo ng PhilHealth.
Bagamat nabanggiy sa desisyon na labag sa Konstitusyon ang Special Provision 1(d), apat na mahistrado ng SC ang nanindigan na hindi kriminal na mananagot si Recto dahil ang kanyang ginawa ay alinsunod sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA.
Kaya, masasabing hindi si Recto ang nag-orchestrate ng paglipat ng pondo dahil inatasan lamang siyang gawin ito sa ilalim ng Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII ng budget law na isinulat ng Kongreso, na may eksklusibong “power of the purse” pagdating sa pagbabadyet batay sa 1987 Constitution.
Bukod dito, ginawa rin ni Recto ang hakbang matapos makakuha ng clearance mula sa Office of the Solicitor General (OSG), Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG), Commission on Audit (COA) at maging ang PhilHealth Board mismo. Hayun naman pala e. Sumunod lang ang mama batay sa clearance na nakuha niya.
Ang P60 bilyong pondo na inilipat mula sa PhilHealth patungong National Treasury ay hindi rin umano ginamit sa flood mitigation projects, kundi ginamit para sa mga sumusunod: P27.5 bilyon para sa public health emergency benefits and allowances para sa healthcare workers (HCWs) at non-HCWs noong Covid-19 lockdown; P10 bilyon para sa medical assistance to indigent and financially incapacitated patients (MAIFIP); P4.1 bilyon para sa pagbili ng iba’t ibang medical equipment para sa mga ospital ng Department of Health (DOH) at ng local government units (LGUs); P3.4 bilyon para sa pagpapatayo ng tatlong health facilities ng DOH; at P1.7 bilyon para sa health facilities enhancement program (HFEP) ng DOH.
Sa kabuuan, P46.7 bilyon ang napunta sa gastusing pangkalusugan, at P13 bilyon ang napunta sa government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.
Sa pamamagitan ng paglilipat ng P60 bilyong nakatinggang pondo ng PhilHealth noong 2024, naiwasan ng National Government (NG) ang muling pangungutang na sana’y magdadagdag sa public debt stock ng P60 bilyon, pati na ang interes na tinatayang P3.8 bilyon kada taon, batay sa average interest rate na 6.3% noong 2024.
Bukod sa pag-iwas sa dagdag na utang, napigilan din ng paggamit ng P60 bilyong ang NG na magpataw ng bagong buwis—lalo na sa mga Pilipinong hirap na sa pang-araw-araw—para lamang pondohan ang mga prayoridad na programa at proyekto.
Ang P60-B ng ng PhilHealth na isinoli sa Treasury ay hindi galing sa kontribusyon ng miyembro, sa halip ay mula sa subsidies, kabilang ang mga “sin” taxes o buwis mula sa mga tobacco products at alak.
Sinabi ni Associate Justice Raul Villanueva sa kanyang opinyon sa desisyon ng SC noong Disyembre 5 na ang pananagutin si Recto sa pag-isyu ng DOF Circular 003-2024 ay maituturing na pagpaparusa sa kanya dahil sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Batay sa pagtataya, nakatipid ang bansa ng humigit-kumulang P20 bilyon sa interest payments noong 2024 at 2025 dahil sa pag-isyu ng DOF 003-2024 na naglipat ng P60 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth na nakatengga lamang at hindi naman ginagamit sa anumang produktibong aktibidad.
Dahil sa maingat at moral na desisyon ni Recto na limitahan ang cash sweep sa excess subsidies ng PhilHealth at hindi isama ang member contributions, nagawa pang palawakin ng PhilHealth ang mga benepisyo o serbisyo sa kalusugan para sa mga insured na Pilipino.
Heto pa ang good news, bunga ng hakbangin, naranasan ng PhilHealth members ang pinakamalaking pagpapalawak ng benefit packages sa kasaysayan ng Universal Health Care (UHC) program.
Kabilang sa mga pinalawak na benepisyo sa kalusugan ang:
· Para sa breast cancer patients: mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas para masaklaw ang lahat ng yugto ng sakit;
· Para sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon;
· Para sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370% tungo sa P1.269 milyon;
· Institutionalized 156 hemodialysis sessions isang taon sa P6,350 kada session mula P4,000, o 58.75% pagtaas na katumbas ng halos P1 milyon suporta kada pasyente bawat taon;
· Open heart surgeries: ventricular septal defect tumaas tungo sa P614,000 (mula P250,000); total correction of tetralogy of fallot (P614,000 mula P320,000); at coronary artery bypass graft surgery (hanggang P960,000 mula P550,000);
· Heart Valve Repair and/or Replacement for Valvular Heart Diseases para sa Pedia at adults: tumaas hanggang P816,500 at P825,000;
· Para sa kidney transplant patients: mula P600,000 tungo sa 250% pagtaas sa P2.1 milyon, kasama na ang post-operation services at medicines;
· Post-Kidney Transplant services para sa pediatrics: tumaas hanggang P1.765 milyon sa unang taon at hanggang P810,732 sa sumunod na taon. Para sa adults, tumaas hanggang P671,800 sa unang taon at P621,800 sa susunod na taon;
· Para sa cataract patients: tumaas nang hanggang 826.238%, mula P20,200 tungo sa P187,100;
· Para sa persons with disability (PWDs): sinasaklaw na ng PhilHealth ang therapy at rehabilitation needs, kabilang ang physical medicine, rehabilitation services, at assistive mobility devices hanggang P40,000;
· At saklaw na rin ang outpatient at emergency care services.
Sa halip na manatiling nakatengga sa PhilHealth, nagamit ang sobrang pondo nito na ipinasa sa treasury noong 2024 sa ilalim ng DOF Circular 003-2024 para pondohan ang mahahalagang health projects at suportahan ang key infrastructure at social development projects, kabilang ang:
· P27.45 bilyon para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances para sa HCWs at non-HCWs sa panahon ng pandemya, alinsunod sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2;
· P10 bilyon para sa MAIFIP;
· P4.1 bilyon para sa pagbili ng iba’t ibang medical equipment para sa DOH hospitals, LGU hospitals, at Primary Care Facilities;
· P3.37 bilyon para sa pagtatayo ng tatlong DOH health facilities;
· P1.69 bilyon para sa HFEP, na nagpapatayo ng health centers na pinatatakbo ng LGUs; at
· P13 bilyon para sa mandatory government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects na magpapabilis sa paghahatid ng healthcare services sa malalayong lugar at magpapahusay sa kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtitiyak ng food security.
Kabilang sa mandatory counterpart financing ang:
1. Panay-Guimaras-Negros Island Bridges
2. Metro Manila Subway Project
3. Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project
4. Mindanao Inclusive Agriculture Development Project
5. Cebu-Mactan Bridge at Coastal Road Construction Project
6. North-South Commuter Railway System
7. Support to Parcelization of Lands for Individual Titling Project
8. Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project
9. Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project, at iba pa.