Advertisers
KUNG si Kin. Benny Abante ng Maynila ang masusunod, nais niya na siyasatin ng Camara de Representante at Office of the Ombudsman ang mga alegasyon ng isang dating tauhan ni Sara Duterte na nakapiit sa salang kidnapping sa BCJMP.
Sa isang pahayag, hiningi ni Abante sa Ombudsman at mga tutugon na komite sa Camara na siyasatin ang sinumpaang salaysay ni Ramil Lagunoy Madriaga na nagsabing pinondohan ng mga POGO operator at drug lord ang kampanya ni Sara noong halalan ng 2022.
“These are serious allegations and are all contained in a sworn affidavit. Napakadetalyado ng mga kwento ni Madriaga. We need to investigate this thoroughly if there is any truth to any of his claims,” ani Abante.
“Ang pagtanggap ng campaign contributions mula sa POGO at drug dealers ay hindi lamang ilegal, kung ito nga ay totoo. This also has implications on national security dahil ang POGO ay connected sa China. Kailangan nating malaman kung tumanggap ng pera si VP Duterte sa mga POGO at drug lords,” aniya.
Kailangan masiyasat, ani Abante, ang mga cash deliveries na dinalang personal ni Madriaga sa Timog Avenue comedy bar kung saan nandoon ang OVP spokesman na si Reynold Munsayac, suhulan sa Office of the Ombudsman parking area at SM Megamall, at mga bigayan gamit ang white Toyota Vios na nagdala hanggang P80 milyon, at mga suhulan sa isang bahay sa Jordan Plains, Novaliches.
Kailangan rin masiyasat ang pagbuo ng ISIP Pilipinas network at ang mga nagtrabaho na may kaugnayan sa Vice Presidential Security and Protection Group. Kinatawan nito ang mga alegasyon na kailangan magkaroon ng malayang pagsisiysat, ani Abante, dahil pinangalanan ang mga taong sangkot umano.
Binigyang diin ni Abante ang pangangailangan ng kapani-paniwalang pag-uungkat kasama ang pagkalap ng mga dokumento at testimonya sa isang bukas na pagdinig kung saan kailangan mapanood ng madla ang mga testimonya ng may kaugnayan sa usapin.
May matwid na gumawa rin ang Ombudsman ng kahalintulad na pagsisiyasat dahil ito ang mandando nito sa ilalim ng batas. Kailangan tingnan ng imbestigasyon ng Camara ang kakulangan sa polisiya lalo na sa isyu ng korapsyon sa campaign finance, anti-money laundering coverage at security group protocols.
“Kung hindi naman totoo, lalabas din naman ito sa imbestigasyon,” aniya.
***
BUMUBULA sa galit ang mga bibig ng mga lider ng huwad na environmental group sa Zambales dahil nabisto sila sa kanilang mga gawain taliwas sa pagtatatanggol sa Inang Kalikasan. Walang soil erosion na nangyayari sa dalampasigan ng lalawigan. Ang nangyaring pagguho ay hindi ng lupa doon kundi nga mga bahay at istraktura na itinayo doon ng mga may-ari ng resort.
Gumuho ang mga ito dahil sa lakas ng alon at hanging habagat sa panahon ng tag-ulan. Marami sa mga bahay at istraktura ay ilegal na itinayo ng mga resort owner na hindi ganap na nauunawaan ang Inang Kalikasan tuwing sasapit ang panahon ng habagat. Dahil sa kakulangan ng kaalaman sa kalikasan, pawang nawasak ang kanilang itinayo.
Huwag maniniwala na ipinagtatanggol ng mga huwad na environmental group ang Inang Kalikasan. Nandiyan sila para sa pansariling kapakanan. Iwasan ang kanilang adbokasiya na pawang huwad.
Email:bootsfra@gmail.com