Advertisers
IBINAHAGI sa publiko ng Philippine National Police (PNP) ang ipinasa umanong waiver ng asawa ng pumanaw na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral tungkol sa hindi nito pagpayag sa autopsy examination sa bangkay ng huli.
Ayon sa naging pahayag ng hepe ng Public Information Office (PIO) at PNP Spokesperson, Brigadier General Randulf T. Tuaño, nitong Biyernes, Disyembre 19, sinabi niyang nagbigay ng waiver ang asawa ni Cabral sa awtoridad bilang pagtanggi na sumailalim ito sa autopsy examination.
“Sa ngayon po, bilang update sa… ng Regional Director, nagbigay po ng waiver ang asawa ng namatay at hindi po sila pumapayag sa autopsy examination,” saad niya.
Giit naman ni Tuaño, nag-iisip na ngayon ng paraan ang legal officers ng PNP para malaman ang totoong nangyari kay Cabral.
“Magkaganoon man, ito po ay pinag-aaralan ng ating legal officers kung ano po ang magiging magandang gawin ng Philippine National Police para masiguro natin na totoong katawan po ng deceased na si dating Usec. Cabral,” paliwanag niya.
Kinumpirma ng mga awtoridad ang pagpanaw ni Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025.
Natagpuan ang katawan ni Cabral na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin Huwebes ng gabi, Disyembre 18. Ang bangin ay may lalim na 20 hanggang 30 metro.
Bandang 8:00 ng gabi natagpuang walang malay si Cabral.
Samantala, itinuturing ngayon bilang ‘person of interest’ ng PNP ang driver ni Cabral na Cardo Hernandez, na siyang huling naitalang kasama bago mapabalitang nahulog umano sa bangin ang dating public works official.
Ayon pa sa investigation ng Regional Director ng Cordillera, “dahil labag sa human nature na ‘yong principal o ‘yong VIP mo [ay] iiwanan mo siya sa isang liblib na lugar. Alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa sasakyan ninyo,” saad ni Tuaño.
Dagdag pa niya, “At kung bakit babalikan mo siya after one or two hours. Hindi mo ba iniisip na paano ka mako-contact kung saka-sakali na alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa iyo.”