Advertisers
Ni Anne Venancio
TUMANGGI si Vice Ganda sa posibilidad na pumasok sa mundo ng politika sa kabila ng panawagan na tumakbo siya bilang senador sa susunod na eleksyon.
Sa interbyu ng broadcast journalist na si Karen Davila, tinanong ang Unkabogable Star kung tatanggapin ba niya sakaling alukin siya ng ?500 milyon kapalit ng pagtakbo sa Senado.
Pabirong sagot ni Vice, “I have 500 million,” sabay-diin na wala siyang problema sa usaping pinansyal, pero wala siyang plano na kumandidato dahil hindi ito ang direksyon na gusto ng kanyang puso.
Aniya, mas pinipili niyang maging boses ng milyun-milyong Pilipinong apektado ng korapsyon sa pamamagitan ng kanyang plataporma bilang entertainer.
Ipinaliwanag ni Vice na para sa kanya ang tunay na kahulugan ng public service ay dapat laging unahin ang kapakanan ng bansa. “Pag nasa public service ka, dapat unahin mo ang bansa mo kaysa pamilya mo. Pagkatapos ng Diyos, bansa. Pero sila, it’s a business. Inuuna nila ‘yung negosyo nila. Inuuna nila ‘yung gusto ng pamilya kaysa ‘yung pangangailangan ng masang Pilipino, na dapat pinaglilingkuran nila,” ani Vice.
Samantala, kinuwento rin ni Vice ang plano nila ng asawang si Ion Perez na simulan ang proseso ng pagkakaroon ng anak sa pamamagitan ng surrogacy, at kumonsulta na sila sa doktor, lalo na’t 49 na siya.
Malaking sakripisyo raw ang kailangan niyang um-absent sa noontime show na It’s Showtime nang hanggang tatlong buwan, na mahirap gawin lalo’t mami-miss niya ang Madlang Pipol.
Matatandaang ikinasal sina Vice at Ion noong Oktubre 2021 at nagselebra ng kanilang 7th anniversary noong Oktubre 2025.