Advertisers
INAALAM na ng mga awtoridad kung paano haharapin ang posibleng pag-aresto kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa Kalinga, kungsaan siya umano’y pinoprotektahan ng Kalinga Tribe.
Kinumpirma ni BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr. na nasa Kalinga si Bantag at tinutulungan siya ng mga miyembro ng kanyang tribo. Aniya, may mga panganib na dulot ang pag-aresto sa naturang lugar, kaya’t nag-iingat ang mga awtoridad upang hindi magdulot ng sigalot sa tribo.
Ayon kay Catapang, naghahanda ang mga awtoridad ng plano upang arestuhin si Bantag sa mga liblib na lugar upang maiwasan ang anumang posibleng labanan sa komunidad.
Magugunitang inaakusahan si Bantag ng pagiging utak sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022.
Ayon sa mga imbestigador, si Cristito “Jun” Villamor, isang inmate sa New Bilibid Prison (NBP), ang naging middleman sa krimen, na kalaunan natagpuang patay sa loob ng piitan pagkatapos ng insidente.
Dahil dito, noong Hunyo, ipinasara ng Las Piñas City Regional Trial Court ang kaso laban kay Bantag dahil sa kakulangan ng progreso, at itinakda lamang ang pagdinig kapag nahuli o boluntaryong sumuko na ito.