Advertisers
Ni Rommel Gonzales
Tuloy pa rin ang Ronnie Liang Project Ngiti para sa mga bata na may cleft lip palate o bingot.
At may karagdagang magandang balita si Ronnie…
“And meron pong bago ngayon, para rin sa matatandang may katarata.
“Free na rin po, let us know, pa-ooperahan po natin sila, pati na rin yung lente or amin yung lens na ilalagay sa mata, free na rin po.”
Ayon pa kayo Ronnie ay naglalaro sa beinte hanggang treinta mil ang ganoong procedure kung babayaran.
Ginagawa ang konsultasyon at operasyon sa San Fernandino General Hospital sa San Fernando, Pampanga.
“Kahit tagasaan po kayo, let us know po. I-message lang kami sa Facebook na Ronnie Liang Project Ngiti, kukunin yung number tsaka yung name then kokontakin namin sila para i-schedule for check-up. Walang age limit.
“Actually meron na kaming naoperahan na mas bata.”
Mahigit isang daan na ang natulungan nilang may katarata at mahigit namang limang daan sa mga may cleft lip palate o bingot.
Saan man raw sa buong Pilipinas ay tutulungan ni Ronnie.
“Ang nagiging dilemma lang is iyong mga taga-Visayas at Mindanao, yung hesitation nila na magbiyahe, malayo.”
Ang requirements.
“Iyon lang, kailangan pumunta sila, itse-check sila, libre din yun. Wala naman kaming hinihinging certificate of indigency, walang ganun.”
Samantala, may bagong release na kanta si Ronnie at ito ay ang revival ng classic Christmas song ni Jose Mari Chan na A Perfect Christmas.
“It’s my new Christmas song, available on Spotify, iTunes, digital Apple Music, ang original po nun ay si Sir Idol Jose Mari Chan.”
First time ni Ronnie na mag-revive ng isang kanta ni Jose Mari.
“And dumaan sa masusing approval, and nagpapasalamat ako kay Ma’am Katheen Go [managing director] ng Universal [Records] and kay Sir Jose Mari Chan Music sa pag-allow nila and thank you for the privilege para mag-cover.
“Ako po ang nag-produce, ako yung nag-arrange ng lahat, so I just paid the license.
“Pag narinig itong Christmas song na ito mas lalo mong mararamdaman ang espiritu ng Pasko, lalo na sa panahon ngayon na hindi ko talaga masyadong naramdaman ang spirit of Christmas nowadays, I don’t know, iba, e!
“Nung mga nakaraan, mga ganitong panahon marami ka nang maririnig na Christmas songs, marami ng Christmas decors. Ngayon parang iba, something is missing, something is lacking, parang ang lungkot ng ating bansa.
“Kaya ho nag-release ako ng song para maka-contribute naman kahit konti na makapag-send ng good vibes this Christmas season.”
Hindi kasi magaganda ang pangyayari sa Pilipinas tulad ng lindol, bagyo at korapsyon sa gobyerno.
“Pero at least ang message ng song is that Christmas is not only about the material things, hindi lang about the Christmas bonus but yung, Christmas is about spending time with your loved ones, magkakasama tayong magkakapamilya, magkakapuso, magkakapatid ngayong Pasko.
‘Iyon ang pinaka-importante, iyon ang pinaka-essence ng Christmas and gusto kong i-dedicate iyon sa lahat ng mga OFWs, mga nagtatrabaho na malayo sa pamilya, walang holiday, mga sundalo, mga pulis mga iba pang mga, like yung mga nasa hotel business din, na kapag holiday, mga nasa restaurant business, mga call center agents, na kahit holiday hindi sila makauwi, in the name of service, in the name of duty.
“Kaya gusto kong ialay sa kanila iyon na, yung Christmas magiging perfect pag nagkakasama -sama tayo ngayong Pasko.”
Para kay Ronnie ano ba ang perfect Christmas?
“Sa akin, kagaya yung sinabi din nung song, kaya din napili ko iyon, spending time with your loved ones, especially sa pamilya natin, sa ating nay at tatay, mga kapatid.
“Kung hindi man iyon basta, kahit magkakaibigan, yung iba malalayo s apamilya, improtante a nadun yung satisfaction, happiness, fulfillment, that we have done something na happy kayo with the family.
“Like ako I always plan na magkakasama ang family, magdadagat kami, sama-sama kaming kakain, iyon yung perfect Christmas.”
Maraming beses na raw nilang nagawa iyon, tulad ng pagsasama-sama sa Batangas pero mas madalas raw ay sa ancestral home nila sa Pampanga.
Wala na ang ina ni Ronnie na pumanaw noong March 2017, kaya sila ng kanyang ama at anim na mga kapatid ang magkakasama tuwing Pasko at Bagong Taon; bunso si Ronnie sa pamilya, at kasama rin nila ang mga bayaw at hipag niya at mga pamangkin.
“Mahigit beinte kami, pag nagkasama-sama po kami e parang may cooking show, kasi Kapampangan kasi more on pagluluto,” at natawa si Ronnie.
“Nakukumpleto kami, we really make it happen,” saad pa ni Ronnie.
Artist ng Sparkle GMA Artist Center si Ronnie at kaka-renew lamang niya ng panibagong kontrata.
“Nag-expire lang last October then ni-renew nila ako.”