Advertisers
Isang pangyayari ang gumulantang sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center nang maipuslit ang isang sanggol ng nagpanggap na nurse ng naturang ospital.
Nabatid sa incident report, 11:45 ng umaga, malayang nakapasok umano sa ward ang isang hindi pa kilalang indibidwal para kunin ang isang bagong silang na sanggol sa harap mismo ng kanyang mga kaanak. Ayon sa mga source, sinabi ng nagpapanggap na kukuhanan lamang ito ng newborn screening.
Dahil walang malinaw na paliwanag o orientation sa mga magulang hinggil sa protocol at kung paano makikilala ang lehitimong health worker, ibinigay ng mga kaanak ang sanggol.
Sa Facebook post ng lolo ng nawawalang sanggol, nanawagan sila kina Mayor Maan Teodoro at Congressman Marcy Teodoro ng Marikina para matulungan silang mabawi ang kanyang apo.
Mas lalong ikinabahala ng mga kawani ng Amang Rodriguez ang ginawang aksyon ng pamunuan ng DOH hinggil dito. Ayon sa mga source, si DOH Assistant Secretary Albert Domingo pa mismo ang diumano’y nag-coach pa sa mga hospital staff na ang isagot sa media pag pumutok ang insidente na karaniwan lamang na nangyayari ang ganitong sitwasyon.
Para sa maraming healthcare workers at patient advocates, ang ganitong pahayag ay hindi lamang insensitive kundi tila tahasan ding pagtatakip sa isang seryosong paglabag sa seguridad na posibleng maglagay sa buhay ng sanggol sa matinding panganib.
Ayon pa sa mga insider sa ospital, matagal na umanong iminungkahi ang pagkakaroon ng iisang standard uniform at malinaw na identification system sa lahat ng DOH hospitals upang maiwasan ang ganitong uri ng krimen. Gayunman, ang panukalang ito ay umano’y paulit-ulit na isinantabi ng pamunuan.
Hanggang sa ngayon, wala pang malinaw at detalyadong opisyal na pahayag ang DOH na nagpapakita ng agarang pananagutan o konkretong hakbang upang matiyak na hindi na ito mauulit, at mabigyan ng hustisya ang nabiktimang pamilya.
Nagdulot din ang pangyayaring ito ng matinding kwestyon sa kakayanan ni DOH Secretary Herbosa para manatiling mamuno sa ahensya. Sabi ng ilang concerned citizens, “Nagiging pugad ba ng kriminalidad ang ilang DOH hospitals dahil sa kapabayaan ng administrasyon. Ang ganitong kahinaan sa sistema ay sinasamantala ng mga sindikatong sangkot sa iligal na aktibidad, kabilang ang human trafficking at kidnapping.”
Kaugnay niyo nanawagan naman ang ilang pasyenteng na, “Ito ay hindi simpleng pagkakamali. Isa itong malinaw na babala kung ano ang maaaring mangyari kapag pinili ng pamunuan ang katahimikan kaysa sa aksyon.”(Boy Celario)