Advertisers
Inihayag ni Quezon City Police District (QCPD) director P/Col. Randy Glenn Silvio na natunton na nila ang kinaroroonan ng missing bride na si Sherra De Juan.
Ayon kay Silivio, pinuntahan na ng mga operatiba ng Fairview Police Station 5 ng QCPD ang kinaroroonan ni Sherra, 30, sa Sison Pangasinan upang sunduin ito.
Ang pagkawala ni Sherra noong Disyembre 10, apat na araw bago ang takdang kasal sa kasintahang si Mark Arjay Reyes, naging usap-usapan at umani ng mga komento sa social media.
Sinabi ni Reyes na umalis ang kanyang bride sa kanilang tahanan sa North Fairview para bumili ng sapatos na pangkasal sa malapit na mall subali’t hindi na ito bumalik pa.
Iniwan niya ang kanyang cellphone sa bahay na naka-charge na nakadagdag pa umano sa misteryo at pagkabalisa ng kaniyang pamilya, at ng lalaking pakakasalan.
Magugunitang, naging person of interest din si Reyes, sa pagkawala ng bride, nang aminin na nagtalo sila sa problema sa pananalapi.
Una dito, bumuo ang QCPD ng isang special team upang subaybayan ang kanyang mga galaw.
Ipinakita sa CCTV footage na sumakay si Sherra ng bus malapit sa isang gasoline station sa Commonwealth Avenue, nguni’t ang kakulangan ng internal recording sa bus ang nagpabagal sa pag-usad.
Ang mga digital forensics na isinagawa sa laptop ni Sherra na lumilitaw na may emotional distress ito at tila nagplano pa ng pagpapatiwakal.
“Based on the digital forensic examination, it appears that Sherra has been experiencing personal dilemmas, facing emotional distress and financial problems due to her father’s medical condition and her forthcoming wedding,” batay sa naunang pahayag ng QCPD.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito hindi pa nakababalik ang mga pulis na sumundo sa missing bride.(Almar Daquilan)