Advertisers

Advertisers

BAGONG TAON, BAGONG PAG-ASA SA FPJ Panday Bayanihan Party-list

0 60

Advertisers

SAN CARLOS CITY, Pangasinan — Sa pagsalubong sa bagong taon, pinili ng FPJ Panday Bayanihan Party-list na maghatid ng pag-asa at malasakit sa mga madalas na nakakalimutan ng lipunan, matapos magsagawa ng gift-giving activity para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa BJMP San Carlos City Jail noong Disyembre 30, 2025.

May kabuuang 183 PDL ang tumanggap ng mga regalo at tulong mula sa FPJ Panday Bayanihan Party-list, katuwang ang FPJ PBPL San Carlos Volunteers, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng grupo na isulong ang dignidad, rehabilitasyon, at pagkakataong magbagong-buhay para sa bawat Pilipino—lalo na sa pagsisimula ng bagong taon.

Isinagawa ang aktibidad sa loob ng BJMP San Carlos City Jail sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng pasilidad na pinamumunuan ni Jail Chief Inspector (JCINSP) Marlon Niturada. Nakiisa rin sa programa si Alma Arenas, Pangulo ng FPJ PBPL San Carlos Volunteers, kasama ang mga boluntaryong tumulong sa pamamahagi at pakikipag-ugnayan sa mga PDL.

Ayon kay Brian Poe, kinatawan ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, ang tunay na katarungan ay hindi nagtatapos sa paghatol kundi nagpapatuloy sa pagbibigay ng suporta at pagkakataong magbago—lalo na sa mga PDL.

“Ang bagong taon ay paalala na laging may pagkakataong magsimula muli. Kaya patuloy naming ipinaglalaban ang mas makataong sistema ng hustisya—mula sa loob ng Kongreso hanggang sa mga komunidad at pasilidad ng kulungan. Ipinaglaban namin sa 2026 national budget ang dagdag na pondo para sa DOJ Action Center upang mas maraming Persons Deprived of Liberty ang matulungan sa kanilang mga kaso at karapatan,” pahayag ni Poe.

Dagdag pa niya, ang pinalakas na DOJ Action Center ay mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga PDL—lalo na ang mga walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado—ay may mas maayos na access sa legal assistance, impormasyon, at agarang tugon mula sa pamahalaan.

Samantala, pinasalamatan ni JCINSP Niturada ang FPJ Panday Bayanihan Party-list at ang FPJ PBPL San Carlos Volunteers sa patuloy na pakikipagtulungan sa BJMP, na aniya’y malaking tulong sa moral at emosyonal na kalagayan ng mga PDL, lalo na sa panahon ng pagpasok ng bagong taon.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na mga programang pangkomunidad ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, na nakatuon sa tatlong haligi ng adbokasiya nito—Food, Progress, at Justice—na patuloy na isinusulong sa pamamagitan ng kongkretong aksyon sa komunidad at makabuluhang reporma sa pambansang antas.