Advertisers
SUGATAN ang ang isang pulis na isang intelligence operatives ng General Trias Component City Police Station nang barilin ng isa rin umanong pulis sa nangyaring anti-illegal drugs buy bust operation sa General Trias City, Cavite, Huwebes ng gabi, January 8, 2026.
Sa report ni Cavite Police Provincial Office Director Ariel R. Red kay PRO 4A Calabarzon Regional Director PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, target umano ng nasabing operasyon ang naa-restong drug suspect na si alyas “Arce”, 35-anyos, residente ng Barangay Santiago sa nasabing lungsod at nasamsaman pa ng 6.70 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P45,560.00.
Subali’t habang nasa kalagitnaan ng operasyon, bigla na lamang umanong may isang indibidwal ang nagpaputok ng baril patungo sa direksyon ng mga pulis galing sa isang kalapit na lugar at tinamaan ng bala si Corporal Ryan Vizmanos, na agad dinala sa Gentri Doctors Medical Center para gamotin.
Napag-alaman na ang namaril na suspek, isa rin umanong pulis na si Patrolman Harvey Perdito Mendoza, miyembro ng PNP Maritime Group na kaagad inaresto at nabawi sa posisyon ng suspek ang isang Taurus 9mm pistol na may PNP markings.
Parehong nakakulong na ngayon ang dalawang suspek sa General Trias City Holding and Custodial Facility at inihahanda na ang mga kasong isasampa sa kanila sa City Prosecutors Office. (Koi Laura)