Advertisers
INILANTAD ng National Police Commission (Napolcom) ang mukha ng pulis na inakusahang nanggahasa ng isang 27-anyos na babae sa Maynila.
Sa Facebook post ng beteranong broadcaster at kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo nitong Miyerkoles, Enero 14, makikita si Napolcom Executive Officer Ralph Calinisan habang ipinapakita ang itsura ni Patrolman Joshua Semilla Mendoza, na siya umanong nahuli-cam na buhat-buhat ang walang malay na biktima papasok sa isang motel.
Tinawag ni Tulfo ang suspek na “another sex fiend in police uniform”.
“My oh my! When will our policemen become law enforcers instead of criminals for a change?” ani Tulfo.
Ayon sa biktimang nagpakilalang “Anna”, naganap ang insidente Disyembre 4, 2026 ng umaga matapos siyang mawalan ng malay sa isang bar sa Quezon City.
Dinala siya ng pulis sa isang motel sa Maynila kungsaan siya nagising habang ginagahasa.
Ayon kay “Anna”, pumayag siyang sumama kay Mendoza upang tulungan siyang makipag-ayos sa kanyang asawa.
Aniya, nagpunta sila sa iba’t ibang establisyimento sa Tomas Morato Avenue kasama ang isa pang pulis, isang barangay official at isa pang babae.
Aniya, matapos ang huling inumin niya, bigla siyang nawalan ng malay. Hinala niya, may inilagay sa kanyang inumin.
Nagising na lamang daw siya sa loob ng motel habang ginagahasa ng pulis, na tumigil aniya nang siya’y magkamalay.
Nagsampa na si “Anna” ng administrative complaint laban kay Mendoza sa Napolcom.
Ayon kay Calinisan, maaaring managot ang pulis sa ‘grave misconduct’ at ‘conduct unbecoming of a police officer’ na may parusang suspension, demotion o pagkatanggal sa serbisyo.
Dagdag niya, AWOL (absent without official leave) na ang nasabing pulis.