Advertisers
Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes ng umaga, Enero 20, ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Senior Citizens Park at community Pet Park sa Nagtahan, Pandacan. Inilarawan ng alkalde ang proyekto bilang kongkretong bunga ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Ang proyekto, na opisyal na tinawag na Senior Citizens’ Park and Pet Park (Plaza Azul), magkatuwang na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Budget and Management (DBM), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Domagoso na halos tatlong taon nang napabayaan ang lugar nang maitayo ang Skyway, na nagresulta sa kakulangan ng ilaw, matinding alikabok, at panganib sa kaligtasan ng mga residente, manggagawa, at motorista.
“Simula nang nagawa ang Skyway, dumilim. Naging mapanganib sa gabi sa nagmamaneho at naghahanapbuhay at mamamayan ng Pandacan. Hindi lang dumilim, umalikabok araw-araw. Sinisinghot ng tao sa paligid dito ang alikabok at sementong natira sa open space na ito,” ani Domagoso.
Ayon kay Isko, personal niyang sinuri ang lugar sa gabi makaraang makabalik sa puwesto dahil sa pangamba sa posibleng aksidente, lalo na sa mga bata at senior citizen.
“Now, nung ako po ay binigyan ninyo ng pagkakataon, mga Batang Maynila, immediately I went to this area at nighttime. Sabi ko, ‘Alam niyo, ‘wag niyo nang hintayin na may tatawid na bata, may tatawid na matanda sa kalagitnaan nito at may maaksidente. Let’s address this,’” dagdag ni Domagoso.
Upang mapabuti ang kaligtasan, sinabi ni Domagoso na humingi ang lungsod ng tulong mula sa pribadong sektor para sa paglalagay ng ilaw sa ilalim ng Skyway.
“So that’s why sabi ko kay Ramon Ang, sabi ko, ‘RSA, baka po pwede makisuyo naman. Tutal nakapaghahanapbuhay naman kayo sa Maynila. Baka puwede ilawan natin ‘yung ilalim ng Skyway.’ Tinugon. 20.8 million pesos ang binigay ni Ramon Ang sa Lungsod ng Maynila. Ano naging resulta? Lumiwanag ang boundary ng Manila hanggang dito sa dulo sa likod natin,” ani Domagoso.
Dagdag pa niya, layunin din ng proyekto na tugunan ang kakulangan ng bukas na espasyo sa Pandacan, partikular para sa mga senior citizen na nangangailangan ng ligtas na lugar para sa ehersisyo at mga aktibidad pangkalusugan.
“Baka puwede tayong magtayo doon para sa mga paborito kong Senior Citizen na kapag hapon, umaga, lalo na mga alas-sais ng umaga, mag-stretching. Gawa tayo ng Senior Citizen Park wherein they can create their own activities, calisthenics, and so on and so forth on a regular basis, and create open green space,” paliwanag ni Isko.
Kasama rin sa proyekto ang pagtatayo ng Pet Park na nakalaan para sa mga urban community, upang magkaroon ng pampublikong espasyo kung saan maaaring dalhin ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop.
“Usually nangyayari ‘yan sa mayayamang subdivision at sa ibang bansa. Talagang may pet park where people and animals can go stroll around. Sabi ko dito, gawa tayo mismo para sa mga hayop,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde ang papel ng Local Government Support Fund (LGSF), na aniya’y nagsisilbing tulong ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan sa panahon ng emerhensiya at sa mga pangmatagalang programa sa kaunlaran.
“Ang DBM ay pag-asa ng mga lokal na pamahalaan. There is a few billions of pesos regularly for what you call the LGSF account. Itong pondo na ito ay ginagamit pangtulong ng Pangulo ng Bansa sa mga lokal na pamahalaan,” ani Domagoso.
Sinabi rin niya na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking pagpapalawak ng LGSF para sa 2026, na magbibigay ng mas malaking pondo sa mga lokal na pamahalaan.
“But that particular fund for 2026, because of what happened last year, the President, President Bongbong Marcos, opted to divert its goal from unnecessary or until resolved flood control scandal. Ang ginawa niya, in-empower niya ngayon ‘yung mga lokal na pamahalaan by providing almost 400% growth sa pondo ng LGSF,” dagdag ng alkalde.
Inilarawan ni Domagoso ang proyekto bilang halimbawa ng epektibong ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan, at pinasalamatan ang MMDA sa pagtapat ng pondo ng lungsod matapos ibalik ng Maynila ang unang alokasyon.
“Sinabi sa’kin ni Chairman Artes, ‘Pare, solihin mo sa’kin ‘yung pera, dodoblehin ko.’ So we did. I trusted and I believe with Chairman Artes that he and the MMDA family will fulfill their commitment to the City of Manila. Isinoli namin at totoo, totoong nangyari. Eto tayo ngayon. Magkakaroon na tayo ng Senior Citizen Park and Pet Park in Manila,” ani Domagoso.
Inaasahan naman ng alkalde na makatutulong ang parke sa pagbawas ng alikabok, pagpapabuti ng kalidad ng hangin, at pagbibigay ng mas ligtas at luntiang espasyo para sa mga pamilya, senior citizen, at pet owners sa Pandacan at mga karatig-lugar.
“Promise, titigil na ang alikabok. You will have more fresh air, more green space for your kids, sa mga apo ninyo, sa mga anak ninyo, sa pamilya ninyo,” pagtatapos ni Domagoso. (BP)