Advertisers
IMBES makatulong sa pagpiga ng mga detalye sa flood control projects anomaly, nagiging pang-gulo pa itong sina Senador Imee Marcos at Rodante Marcoleta sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee (SBRC) na pinamumunuan ni Ping Lacson.
Sa mga nakaraang pagdinig ng SBRC sa multi-billion flood control projects scandal, wala nang ginawa itong sina Marcoleta at Imee kundi ang insultuhin si Lacson at “protektahan” ang mga iniimbestigahang kontraktor na mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Hindi pa makuntento sa panggugulo nila sa Senate inquiry, nagpapa-presscon pa ang tandem ng mga buskador na senador.
Sa totoo lang, walang binatbat sina Marcoleta at Imee sa husay ni Lacson sa mga imbestigasyon.
Si Lacson, bago napasok sa politika, ay isang decorated police officer na produkto ng PMA at naging Chief PNP. Bihasa siya sa intelligence at imbestigasyon. Kaya nga solido ang kanyang hawak na mga impormasyon sa flood control scandal.
Samantalang itong si Marcoleta ay isang “lowly” lawyer, sabi ni retired Associate Justice Antonio Carpio. Na kaya lang nahalal sa Senado ay dahil sa solidong suporta ng kanyang sekta at DDS. Ang kanyang loyalty ay hindi sa mga Filipino kundi sa Duterte. Kasalukuyang iniimbestigahan ng Comelec ang reklamo laban sa kanyang “dinayang” SALN.
Samantalang itong si Imee, na hindi naman pumupunta sa mga pagdinig ng SBRC, ay walang ginawa kundi ang insultuhin ang pagkatao ni Lacson gayong wala naman siya sa kalingkingan sa kakayahan at talino ng huli. Ewan!
***
Nagsampa nitong Mierkoles ng reklamong Plunder at Graft sa Office of the Ombudsman sina dating Senador Antonio Trilanes at ang miembro ng The Silent Majority laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Ito’y kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang anomalya noong DepEd Secretary at Davao City mayor pa si Sara.
Actually, ang reklamong ito ni Trillanes ay hindi na bago. Isinampa na niya ito noong si Samuel Martires ang Ombudsman. Pero inupuan lang ni Martires, na isang DDS.
Dito sa tenure ni Ombudsman “Boying” Remulla, naniniwala si Trillanes na uusad ang kanyang mga reklamo laban kay Sara.
Si Trillanes din ang nagsampa ng mga kaso laban sa ama ni Sara na si dating Pangulo Rody Duterte sa International Criminal Court (ICC). Nakakulong na ngayon si Digong sa The Hague, Netherland, ang base ng ICC.
May tatlong buwan ang Ombudsman para maglabas ng resolution sa kasong ito. Abangan!
***
Malamang maparusahan ng Korte Suprema ang abogado ni Atong Ang na si Ramon Esguerra nang ianunsyo niyang pinatatago o hindi pinasusuko ang kanyang kliyente habang gumagawa pa siya ng mga remedyo sa kinakaharap nitong kaso about missing sabungeros. Subaybayan!