Advertisers
SA mga nagdaang taon, patuloy na umuugong ang reklamo ng ilang residente ng Santa Rosa, Laguna laban sa pamumuno ni Mayor Arlene Arcillas.
Sinasabing sa kabila ng imahe ng lungsod bilang sentro ng negosyo at kaunlaran sa Timog Luzon, marami ang nagsasabing may mga suliraning matagal nang hindi nabibigyan ng sapat at pangmatagalang solusyon—lalo na raw ang pagbaha, trapiko, at kalinisan sa ilang pangunahing lugar ng lungsod.
Isa sa madalas banggitin ng mga residente ang malalang pagbaha sa iba’t ibang barangay, partikular sa mga commercial at transport hubs gaya ng Balibago Complex.
Ayon sa kanila, kaunting ulan lamang ay sapat na upang lumubog daw sa baha ang mga kalsada, na nagdudulot ng perwisyo sa mga manggagawa, estudyante, at maliliit na negosyante.
Aba’y ang masakit para sa ilan, tila paulit-ulit na lamang ang problema at hindi pa rin ramdam ang isang pangmatagalang solusyon.
Kasabay nito, napapansin din ng publiko ang istruktura ng kapangyarihan sa lokal na pamahalaan, kung saan ang kasalukuyang bise alkalde na si Arnold Arcillas ay kapatid ng punong lungsod.
Para sa ilang sektor, nagiging simbolo ito ng political continuity na unti-unting nagiging political fatigue—isang pakiramdam na iisa lamang daw ang umiikot sa pamumuno, at kakaunti ang espasyo para sa sariwa at alternatibong pamumuno.
May mga residente ring nagsasabing tila may puwang sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng aktuwal na karanasan ng karaniwang mamamayan.
Habang aktibo sa social media ang lungsod sa pagpapakita ng mga proyekto at aktibidad, may ilan na naniniwalang hindi nito ganap na nasasalamin ang hirap ng mga taong lumulusong sa baha tuwing tag-ulan, nakikipagsapalaran sa trapiko, at humaharap sa kakulangan ng basic services sa ilang lugar.
Gayunman, mahalagang kilalanin na hindi iisa ang pananaw sa Santa Rosa.
May mga nananatiling sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon ni Mayor Arcillas at kumikilala sa mga proyektong naipatupad.
Ngunit sa isang demokrasya, ang patuloy na reklamo at kritisismo ay hindi dapat ituring na paninira, kundi panawagan para sa mas bukas na pakikinig at mas inklusibong pamamahala.
Malinaw ang sinasabi ng ilang taga-Santa Rosa na darating ang panahon na maaaring may mga bagong pangalan at bagong lider daw na uusbong—hindi upang “gibain” ang sinuman, kundi upang hamunin ang status quo at maglatag ng alternatibong direksyon.
Ang tanong ngayon ay kung paano tutugon ang kasalukuyang pamunuan? Sa pamamagitan ba ng mas maigting na pakikipag-ugnayan, o sa pagpapatuloy ng isang pamumunong unti-unting nilalamon na raw ng pagod at pagkadismaya ng mga mamamayan.
Abangan!
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.