Advertisers
Iniulat ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na bumaba ng mahigit 13 porsiyento ang bilang ng krimen sa Maynila sa ikaapat na kuwarter ng 2025, batay sa datos ng Manila Police District na ipinakita sa unang command conference ng distrito para sa 2026.
Mula 2,110 insidente noong ikatlong kuwarter, bumaba ito sa 1,834 kaso sa ikaapat na kuwarter, o 276 na mas kaunting insidente.
Bumaba rin ang index crimes mula 291 tungo sa 239, habang ang non-index crimes ay mula 1,819 ay naging 1,595 sa parehong panahon.
Ayon sa ulat na iniharap ni Police Brigadier General Arnold Abad, MPD Director, ang pagbaba ng krimen ay bunga ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at pananagutan sa mga lumalabag.
Sinabi ng alkalde na mananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang hustisya para sa mga biktima, disiplina ng pulisya, paggalang sa due process, at ang patuloy na presensiya ng mga pulis sa lansangan lalo na tuwing gabi at madaling araw.
Hinimok din ng alkalde ang MPD na panatilihin ang momentum sa crime reduction at ipagpatuloy ang maayos, disiplinado, at makataong pagpapatupad ng batas habang papasok ang Maynila sa taong 2026. (Jocelyn Domenden)