Advertisers

Advertisers

‘GUSTO NINYO NG GIYERA? BAHALA NA KAYO!’ – DONALD TRUMP

0 7,784

Advertisers

SA patuloy na umiinit na bangayan ng ating mga opisyal at mga opisyal ng China, inilabas na ng ‘Tadong Unidos ang sarili nitong ‘2026 National Defense Strategy’ (NDS), na gagabay sa aksyon ng ‘Trump administration’ sa buong termino nito.

‘Unclassified’ ang dokumento kaya kahit sino ay puwede na itong ‘ma-download’ sa ‘website’ ng ‘Pentagon’ o ‘US Department of War.’

Alam nang lahat na ang kahambugan at kayabangan ng ating mga opisyal ay galing sa “ogags” na paniwalang ipagtatanggol tayo ng mga ‘Kano sakaling magtagumpay silang magka-giyera sa pagitan ng ‘Pinas at China.

Eh, mainam sigurong ‘mag-download’ at basahin nilang mabuti ang nasabing dokumento? “Malinaw” kasing walang balak ang mga Kano na sumabak sa giyera sa China, kasehodang may ‘mutual defense treaty’ tayo sa mga Kano.

Sa halip, ‘negotiation through strength’ ang bagong stratehiya ni Trump pagdating sa China.

“Pagkilala” ito na isa na ring malakas na bansa ang China at sa totoo lang? “Nakasandal” din kasi sa China ang ekonomiya ng Amerika.

Ayon sa NDS, palalakasin pa ng US ang ugnayang militar nito sa China para hindi mauwi sa giyera ang ano mang mga sumusulpot at dati nang mga problema.

Malinaw din ang mensahe: Ang buong ‘Western Hemisphere’ ay “pag-aari” ng mga Kano at walang dapat makialam dito—kung ayaw nila ng gulo– bagay na alam nating madali para sa China, Russia, Iran, NATO, etc., na intindihin at pagbigyan.

Translation? Para sa mga Kano, hindi Taiwan, ‘Indo-Pacific’ o ‘Pinas ang ‘Red Line’ nito bagkus, ang Western Hemisphere.

Sa iba pang panig ng mundo, malinaw din ang mensahe ni Trump, panahon na para “kayo” ang gumastos sa sarili ninyong depensa kung digmaan pala ang gusto ninyo.

Sa biglang pagbabago ng istratehiya at direksyon ng Imperyalismong Kano, masasabing “kahibangan” na at “pagtataksil sa bayan” ang patuloy na “pang-uurot” ng ating mga opisyal na makipagdigmaan tayo sa China.

Sa halip kasing tulungan tayo, “simple” lang ang isasagot ni Trump: ‘Naghanap kayo ng giyera? Bahala na kayo!’