Advertisers

Advertisers

KA REX CAYANONG, ‘DARK HORSE’ SA BSKE SA BRGY. SAN ISIDRO, ANTIPOLO

0 74

Advertisers

HABANG unti-unting sumisikip ang kalendaryo patungo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ramdam na rin sa Barangay San Isidro sa Antipolo, Rizal ang pag-init ng pulso ng pulitika.

Hindi ito kataka-taka. Ang San Isidro ay matagal nang kilala bilang komunidad na mulat, mapanuri, at aktibong nakikilahok sa usaping pamamahala. Kaya sa bawat halalan, hindi lamang pangalan ang pinag-uusapan kundi ang direksyon na tatahakin ng barangay.

Sa gitna ng mga espekulasyon, hindi maiiwasang muling masentro ang diskurso sa kasalukuyang Punong Barangay na si Gloria Baby “Bebang” Garcia-Salen—isang lider na ilang ulit na raw napatunayan ang sarili sa aktuwal na serbisyo at hindi lamang sa panahon ng kampanya.

Totoo, may mga bagong mukha at personalidad na handang sumubok sa pinakamataas na posisyon, kabilang ang kasalukuyang Number 1 Kagawad na si Rosh Gatlabayan. Bitbit niya raw ang lakas ng apelyido, rekord bilang nangungunang kagawad, at suportang hindi rin dapat maliitin.

Subalit sa antas ng barangay, madalas ay hindi sapat ang titulo o ranggo. Ang mas mahalaga para sa karaniwang residente ay kung sino ang naroon kapag kailangan o kung sino ang nakikitang gumagalaw, nakikinig, at kumikilos araw-araw.

Kaya sa ganitong usapin, malinaw daw para sa marami na si Kapitana Garcia-Salen ay may matibay na presensya.

Sa loob ng mga nakaraang taon, nasaksihan ng mga taga-San Isidro ang kanyang hands-on na pamumuno. Hindi rin malilimutan na sa nakaraang halalan na nanaig siya laban sa isang beteranong personalidad, patunay na ang tiwala ng mamamayan ay hindi minana kundi pinaghirapan.

May mga panawagan para sa pagbabago, at bahagi ito ng isang malusog na demokrasya.

Gayunman, may isa pang pangalang patuloy na umuugong sa mga usapan—si Ka Rex Cayanong.

Para sa ilang residente, isang potensyal na “dark horse” si Ka Rex sakaling muling pumasok sa laban.

May mga umaasang babalik siya sa eksena upang hamunin hindi lamang ang kampo ng Garcia-Salen kundi maging ang Gatlabayan.

Sa katunayan, may mga nagbabanggit pa nga na halos tatlong dekada nang umiikot ang pamumuno sa iisang linya sa San Isidro.

At sa panayam nga sa ilang residente, lumutang din ang mas malalim na sentimyento ng komunidad. Para sa kanila, may pakiramdam na ang barangay ay nahuhuli na sa ilang mahahalagang aspeto, partikular sa serbisyong pang-emergency.

Binanggit ang sinasabing kawalan ng nakatalagang ambulansya at fire truck sa Lower San Isidro—isang kakulangan na nagiging kritikal sa oras ng sakuna at agarang pangangailangan.

Kung tuluyang maging tatluhan ang labanan, mas titindi ang hamon sa mga botante ng San Isidro sa Antipolo. Hindi na ito magiging simpleng pagpili ng pangalan o apelyido, kundi isang masusing pagtitimbang kung sino ang may tunay na nagawang serbisyo at malinaw na bisyon para sa kinabukasan ng naturang barangay.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.