Advertisers
MAHAHARAP sa panibagong mga kaso ang mag-asawang kontraktor na Curlee at Sarah Discaya kaugnay ng maanomalyang flood control project.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, isasama ng Department of Justice ang dalawang tax cases sa Court of Tax Appeals, na magiging respondent ang mag-asawa.
Ang mga kaso ay para sa paglabag sa Sections 254 (Willful Attempt to Evade or Defeat Taxes) at 255 (Willful Failure to Supply Correct and Accurate Information) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Ayon kay Martinez, lima sa mga reklamo laban sa mag-asawa ang naresolba na ng DOJ.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang tagapagsalita ng mag-asawa na si Atty. Cornelio Samaniego.
Matatandaang ibinunyag ng mga Discaya ang ilang sangkot sa flood control projects. Una nilang ipinahayag ang interes na maging state witnesses, at pansamantalang tinanggap sa Witness Protection Program ng DOJ.
Gayunpaman, huminto sila sa pakikipag-ugnayan sa DOJ at Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ang pahayag ng dating ICI Commissioner Rogelio Singson na wala pang kwalipikadong maging state witness.
Sa kasalukuyan, sina dating Public Works and Highways undersecretary Roberto Bernardo, ex-DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, dating DPWH Engr. Gerard Opulencia, at kontraktor Sally Santos ang nakapasok sa state witness ng gobyerno.
Kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail si Sarah, habang si Curlee ay nasa kustodiya ng Senado.
Noong Disyembre 2025, sinampahan ng Office of the Ombudsman si Sarah at iba pa kaugnay ng P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental. Nag-plead sila ng not guilty sa mga kasong graft at malversation. (Jocelyn Domenden)