Advertisers

Advertisers

Landers supermarket sa Quezon City naabo

0 21

Advertisers

Natupok ang malaking bahagi ng Landers Superstore sa kanto ng Belfast Avenue at Quirino Highway sa Barangay Pasong Putik, Quezon City nitong Miyerkules.
Sumiklab ang sunog 4:00 ng madaling araw at mabilis na kumalat, dahilan para itaas ito sa ika-5 alarma.
Ayon sa residenteng si Peter Fuerte na nakatira malapit sa nasunog na establisimyento, nagising siya nang makarinig ng sunod-sunod na pagputok.
“Nung umpisa palang konti palang usok, maya-maya ang laki na… Tumakbo ako sa loob pagbagsak ng pader tumakbo ako… Asawa ko nanginginig… Sabog nang sabog talaga,” kwento niya.
Ayon kay FSInsp. Bernardo Soriano, hepe ng Fire Investigation and Intelligent Section ng Quezon City Fire District, natupok ang halos 80 porsyento ng one-story establishment na may basement.
“Doon sa nakita sa mga video na napakabilis nung apoy… Halo-halo kasi talaga ito, department store, groceries kumbaga halos lahat ng laman niya madali masunog kaya ang bilis pagkalat ng apoy… Gumamit tayo ng self contained breathing apparatus para mapasok ang loob ng area,” sabi niya.
Wala naman aniyang nasawi o nasaktan sa insidente.
Pero bumigay ang ilang pader sa paligid ng supermarket.
“Sa pader na bumigay at mga salamin na mabasag sa kadahilanan masyado mainit… yung init nagpabigay sa pader tyaka sa mga salamin na nabasag,” paliwanag ni Soriano.
Idineklarang under control ang sunog 8:00 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para matukoy ang sanhi at kung saan nagsimula ang sunog.
Inaalam dun kung magkano ang kabuuang pinsalang iniwan ng sunog.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang Landers Superstore sa pansamantalang pagsara ng nasunog na branch.
Maaari anilang magtungo ang kanilang mga customer sa iba pang sangay tulad ng Balintawak, UP Town Center, at iba pang kalapit na branches.(Almar Danguilan)